KINALAMPAG ng isang kongresista ang Pagcor at DOLE na higpitan ang regulasyon at polisiya sa pagha-hire ng mga foreign worker sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO).
Ayon kay ACT-CIS party-list Rep. Jocelyn Tulfo, hindi sapat ang pagsusumite lang ng working visas at Alien Employment Permits sa pagdami ng mga dayuhang ilegal na nagtatrabaho sa bansa.
Aniya, mismong si Pagcor Chairman Andrea Domingo ang nagsabing may 13,000 foreign nationals ang nagtatrabaho sa 58 POGOs na lisensiyado ng Pagcor pero may 80,000 dayuhan ang illegally employed.
Hindi pa mabatid kung ilang dayuhan ang nagtatrabaho sa economic zones, freeports, at special economic zones.
Iginiit ni Tulfo na bukod sa pagbubuwis sa POGOs ay dapat ding bigyang prayoridad ang pagkakaloob ng trabaho sa mga Filipino sa local at offshore gaming firms.
Inirekomenda pa ni Tulfo ang pagkonsulta sa Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry para tukuyin kung ilang Pinoy at Filipino-Chinese ang dapat na kunin sa mga gaming firm tulad ng POGOs.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), aabot sa 2.43 million ang mga Pinoy na walang trabaho, habang sa tala ng SWS ay nasa 9.8 million. CONDE BATAC
Comments are closed.