MGA POLITIKO NA MAHILIG SUMAKAY SA ISYU KAHIT KULANG SA KAALAMAN

MAY mga nahalal na politiko na karapat-dapat lamang manungkulan sa bayan. May mga iba sa kanila ay nanalo sa eleksiyon dahil sikat sa lipunan. Maaaring naging artista, atleta o anak ng isang mabigat na politiko ang mga ito. Gayon pa man, binigyan sila ng pagkakataon sa loob ng tatlo o anim na taon na patunayan ang pagkakaluklok nila sa puwesto. Maaari rin silang mabigyan ng isa pang pagkakataon bilang isang re-electionist sa susunod na halalan. Tandaan, malapit na ang susunod na eleksiyon.

Kaya naman may mga iba sa kanila na naghahanap ng mga isyu na maaaring masakyan upang mas makilala sila ng sambayanan. Hangad nila na maging ‘pogi points’ ang mga ito na maaaring maitulak ang kanilang popularidad at lumakas ang pag-asang manalo sa 2022 elections. Haaay, ang politika nga naman.

Kaya naman napansin ko kamakailan ang isyung sinakyan ni Sen. Risa Hontiveros. Ito ay ang viral na istorya ng hiniwalayan na asawa ng actor na naputulan ng koryente dahil hindi umano nagbibigay ng sustento ang nasabing actor at hindi nagbayad ng koryente na umabot sa mahigit P100k.

Ang binatikos ni Hontiveros ay ang Meralco dahil sa umano’y mataas na singil sa koryente at kakulangan pa raw ng panahon upang pahabain pa ang ‘no disconnection policy’ sa mga hindi nakapagbayad ng koryente dulot ng ECQ at GCQ noong nakaraang taon. Haaaaay…pinatunayan ni Hontiveros na hindi niya naiintindihan ang power sector ng ating bansa. Halatang hindi man lang niya pinag-aralan ang mga isyu at basta na lamang sumawsaw sa usapin.

Kung titingnang maigi ang sitwasyon ng nasabing actor na si Jomari Yllana at ng kanyang ex-wife, maliban sa isa itong pribadong bagay, isiniwalat ang pagputol ng koryente upang hiyain ng dating asawa si Jomari Yllana sa publiko. Hindi ito dahil sa kakulangan sa palugit ng Meralco o sa mataas na presyo ng koryente.

Sa pagkomento ng senadora, halatang-halata na ang intensiyon ay sumakay lamang sa isyung ito na ang hangad ay sumikat muli sa publiko, lalo na ngayong nalalapit na naman ang eleksiyon.

Hindi totoo na ang Filipinas ang pangalawang bansa na may pinakamataas na presyo ng koryente sa Southeast Asia. Kung tutuusin, bumaba ang power rates natin sa nakaraang tatlong taon, ang pinakamababang power rates hanggang sa kasalukuyan. Ayon sa datos ng Meralco, naka-experience ang kanilang mga customer ng total net rate reduction na P1.3870 per kWh sa buong taon ng 2020 o P277 para sa isang household na kumokonsumo ng 200 kWh.

Mali rin ang pagbatikos ng senadora sa Meralco sapagkat bahagi lang ang power distribution sa ating kabuuang electricity bill. Ang toka lamang ng Meralco ay ang distribution, supply at metering charges na hindi naman tumaas sa loob ng 66 na buwan. Ang malaking bahagi ng bayarin natin sa koryente ay ang “pass-thorough charges”. Sinisingil ng Meralco ang mga ito para sa ibang supplier katulad ng generation charge, transmission charge, at mga buwis at public policy charges na napupunta sa ating gobyerno.

Maliit pa sa 20percent ang napupunta sa Meralco sa ating bill. Nararapat yatang ituon ng senadora ang kanyang atensiyon sa iba pang aspeto ng ating electric bill.

Mas mainam pa yata na pagtuunan ng pansin ni Hontiveros ang mga dagdag na pasanin ng mga power consumers partikular ang feed-in-tariff allowance (FIT-ALL). Itong dagdag na FIT-ALL ang dahilan kung bakit tumataas ang presyo ng koryen. Kamakailan, inaprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang dagdag singil na diretsong mapupunta sa mga renewable energy developers.

Dapat yata ay ito ang pinag-aaralan ni Hontiveros, ang mga dagdag pasakit katulad ng FIT-ALL imbes na pag-usisa sa due date sa bayaran ng bills.

Sabi ko nga dati, ang utang ay dapat bayaran. Habang nagtatagal ang hindi pagtugon sa ating mga bayarin na obligasyon,mas tumataas ito at mas mahihirapan tayong mabayaran ang mga ito. Ganoon lang po ka-simple.

Comments are closed.