NABULABOG ang mga Person Deprived of Liberty (PDL) o mga preso nang magsagawa ng greyhound operation ang pinagsanib na puwersa ng mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Quezon City Police District (QCPD) sa Quezon City Jail (QCJ) kamakalawa ng madaling araw.
Ayon kay QCJ warden Jail Superintendent Michelle NG Bonto, dakong ala-5 ng madaling araw nitong Biyernes nang simulang halughugin ang mga selda ng PDL at natapos bandang alas- 11:30 ng umaga.
Sinabi pa ng opisyal na mayroong 42 jail officers at 373 na mga pulis ang magkasamang nagsagawa ng greyhound sa mga selda na ang layunin ay makumpiska ang mga ilegal na kontrabado na nakapasok sa kulungan.
Lumalabas na nasa 3, 271 PDL ang kinapkapan ng mga awtoridad kung saan narekober ang mga ito ng dalawang cellphone, improvised drug paraphernalias, 36 kutsilyo at walong ice picks.
Ang naturang greyhound operation ay bunsod na rin sa pagsisikap nina BJMP-NCR Regional Director JCSUPT Luisito Muñoz at QCPD Director PBGEN Remus Medina na makumpiska ang mga ilegal na kontrabando sa QCJ.
Naunang nang ipinag-utos ni BJMP Director General Alan Iral ang pagsasagawa ng mga greyhound operation sa iba’t-ibang mga kulungan sa bansa upang maiwasan ang pagkakaroon ng mga riot sa piitan. EVELYN GARCIA