INATASAN na ng Department of Agriculture (DA) ang lahat ng meat inspectors na magpatupad ng strict certification sa mga live animals at processed pork products na inililipat sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Ito ay kasunod ng pinangangambahang pagpasok ng African swine fever na isa sa hinihinala ng marami na ito ang tumama sa mga namatay na alagang baboy sa Rizal province.
Napag-alamang sa Batangas, naglatag na ng 17 animal inspection points at ipinakalat ang inspection teams para i-monitor ang mga pig farm kung mayroong makitang senyales ng African Swine Fever (ASF).
Nabatid na sa bahagi naman ng Bohol, ipinagbabawal na ang importation ng mga baboy at pork products upang mapanatiling ligtas sa anumang pinangangambahang sakit ang probinsya.
Magugunitang mabilis na kumalat ang African swine fever sa mga bansang China, Vietnam, Laos at iba pang lugar sa Europe na hindi pa rin matukoy ang lunas subalit hindi nakaaapekto sa kalusugan ng tao.
Tiwala naman ang DA na nananatili pa ring ligtas sa ASF ang bansa sa kabila ng pangamba ng mga hog raiser na posibleng bumagsak ang kanilang mga benta dulot ng kumakalat na sakit.
Kasalukuyan namang hinihintay ng DA ang resulta mula sa foreign laboratories kung saan kamakailan lamang ay ipinadala na ng kagawaran ang blood samples para madetermina ang tunay na pinagmulan ng sakit ng mga namatay na baboy. BENEDICT ABAYGAR, JR.