NASA 41 mga lalawigan na lamang ang apektado ng El Nino phenomenon.
Ito ang pahayag ni El Niño Task Force spokesperson and Presidential Communications Office (PCO) Assistant Secretary Joey Villarama.
“First off, a bit of good news. Doon sa initial o doon sa last report ng PAGASA, 50 provinces ang affected. Ngayon ay na-reduce na lang to 41,” ulat ni Villarama batay sa report mula sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration.
Sa 41 lalawigan, ang 17 dito ay dumaranas ng dry condition, ang sampu ay dumaranas ng dry spell at ang 14 provinces ay tagtuyot na.
Tiniyak naman ni Villarama sa publiko na itutuloy ng task force ang pagpapatupad ng mga hakbang na lalaban sa El Niño phenomenon.
Dagdag pa ng opisyal na nakapokus sila sa epekto ng agriculture sector.
Ipinunto rin ni Villarama ang mga kabilang sa mga hakbang laban sa El Niño ang patuloy na pagkukumpuni ng irrigation system sa mga apektadong lugar upang matiyak ang mahusay na suplay ng tubig sa mga pananim, at ang pamamahagi ng mga kagamitan at kagamitan sa pagsasaka sa mga magsasaka, partikular sa mga rehiyon ng Western Visayas at Zamboanga Peninsula.
EVELYN QUIROZ