LUNGSOD NG MALOLOS – MATITIKMAN na ng mga Bulakenyo ang mga ipinagmamalaking produkto ng iba’t ibang bayan sa bansa matapos ilunsad ang kauna-unahang “One Town, One Product (OTOP) Philippines Hub” na matatagpuan sa Bulacan Pasalubong Center sa lungsod na ito kamakalawa kasabay ng pagbubukas ng Singkaban Festival 2018.
Ipinahayag ni Department of Trade and Industry Usec. Ireneo Vizmonte na kumatawan kay DTI Sec. Ramon Lopez bilang panauhing pandangal, ang pasasalamat ng kanilang ahensiya sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan dahil sa oportunidad na maitanghal ang mga produkto ng iba’t ibang bayan sa bansa sa mismong kabisera ng lalawigan.
Aniya, “napakagandang pagkakataon ito upang maipakilala ang OTOP Philippines sa Lalawigan ng Bulacan nang sa gayon ay maipakita ang iba’t ibang produkto at maging competitive sa palengke.”
Dagdag pa niya, matagal na itong programa ng nasabing departamento na naglalayon na mabigyang pagkakataon at matulungan ang mga MSME na kabilang sa OTOP na mapaganda ang uri at packaging.
Pasasalamat din ang naging tugon ni Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado sa DTI sapagkat sa Bulacan inilunsad ang kauna-unahang OTOP Philippines Hub.
“Tayo po sa Bulacan ay nagpapasalamat din sa DTI sapagkat dito nila napiling itanghal ang mga produkto ng iba’t ibang bayan sa bansa. Isa po itong magandang oportunidad upang magkatulungan tayo sa pagpapaunlad ng ating mga produkto,” ani Alvarado.
Samantala, binuksan din sa araw na ito ang “Tatak Singkaban ng Central Luzon Trade Fair” sa Eco Commercial Complex at “Bahay Kubo Bahay Gulay” sa Bulacan Pasalubong Center.
Dumalo rin sa nasabing gawain ang ibang pinuno ng Provincial Cooperative and Enterprise Development Office sa Region 3, mga miyembro ng Regional Cooperative Development Council at iba pa.
Ang CL Tatak Singkaban Trade Fair ay tatagal hanggang Setyembre 15 habang ang mga produktong OTOP ay mabibili sa Pasalubong Center sa buong taon matapos ang paglulunsad nito.
Ang OTOP Philippines Hub at Central Luzon Trade Fair ay naisakatuparan sa pamamagitan ng Provincial Cooperative Enterprise and Development Office katuwang ang Department of Trade and Industry. A. BORLONGAN
Comments are closed.