INIREKOMENDA ni Albay Rep. Joey Salceda ang mga paraan na makatutulong para pasiglahin ang job growth sa bansa.
Kasunod na rin ito ng pagtaas ng unemployment rate noong Setyembre na umakyat sa 8.9% mula sa 8.1% noong Agosto.
Kabilang dito ang pag-iisyu ng pamahalaan ng direktiba sa mga ahensiya ng gobyerno, partikular ang mga tanggapan na may mababang utilization rate para kumpletuhin ang kanilang procurement plans bago pa man abutan ng election ban, na mag-hire ng mga karagdagang tauhan sa public administration at sa defense o military ng bansa.
Ipinakokonsidera rin ng mambabatas ang pagpapabakuna sa mga empleyado at tenant sa mga lugar na lubhang lantad sa COVID-19 tulad ng mga palengke at iba pang pampublikong lugar upang maiwasan ang mahigpit na lockdown at pagkalat ng sakit.
Inirekomenda rin ng kongresista ang pagkumpleto sa 2021 infrastructure program sa pamamagitan ng pag-iisyu ng direktiba sa mga district engineering office.
Pinatutulungan din sa gobyerno ang lumalagong sektor ng BPO sa pamamagitan ng pag-atas sa local public employment and services offices at sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na bumalangkas ng kasunduan at makipag-ugnayan sa nasabing sektor.
Naniniwala ang kongresista na maisasakatuparan ang lahat ng mga ito sa pamamagitan ng executive action at makatutulong para mabigyan ng trabaho ang mga Pilipino, gayundin ang mapababa ang unemployment sa bansa. CONDE BATAC