MGA PROGRAMA VS ASF PINALAWIG

UPANG patuloy na palakasin ang industriya ng pagbababuyan at tuluyang masugpo ang African Swine Fever (ASF) sa rehiyon, isinasagawa ng Department of Agriculture Region IV-CALABARZON (DA-4A) ang mga programang Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion (INSPIRE), Bantay ASF sa Barangay (BABay ASF), at Bayanihan Agricultural Clusters (BAC).

Ang programang INSPIRE ay naglalayong maparami ang suplay ng mga produktong baboy sa pamamagitan ng pagpapatayo ng multiplier farms at pagseseguro ng mga alagang hayop.

Samantala, layunin ng BABay ASF ang mahigpit na implementasyon ng biosecurity at paglaganap ng sakit habang ang BAC ay pinaggrupo-grupo at tinutulungan ang samahan ng mga magsasaka upang mabawasan ang gastos sa produksiyon, makinabang sa bentahe ng agriculture value chain, at makamit ang economies of scale.

Noong nakaraan taon, sa pamamagitan ng pagtutulungan ng DA at mga lokal na pamahalaan, 12 munisipalidad at lungsod sa probinsya ng Batangas ang idineklara nang ASF-free ng Bureau of Animal Industry (BAI).

Nakapagbahagi ang DA-4A ng sentinel pigs, feeds, at veterinary drugs sa 2,365 na magbababoy mula sa probinsya ng Cavite, Laguna, Rizal, at Quezon na nakatulong upang makaahon sa pinsalang dulot ng ASF.

Tinatayang nasa P217,984,000 halaga ng indemnification fund ang natanggap ng 6,375 backyard hog raisers na kabayaran sa nasa 43,589 depopulated hogs.

Hinikayat naman ni DA Assistant Secretary for Operations at DA-4A Regional Executive Director Arnel V. de Mesa ang mga magsasaka na iseguro ang kanilang mga alagang baboy sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC).

Ngayong taon, bahagi ng pinalawig na implementasyon ng nabanggit na mga programa sa pagpapabuti ng sektor ng babuyan ang pagsasagawa ng Intensified Risk Assessment, Surveillance, and Monitoring; Improvement of Laboratory Capabilities; Capability Building, and Awareness Campaign; Strengthening of Local Government Unit Engagement; at Recovery and Repopulation.