MGA PROGRAMANG PANGKABUHAYAN

KAILANGANG kumayod ng mga manggagawa ngayon dahil sa patuloy na pagtaas ng halaga ng mga bilihin at serbisyo.

Dahil nahihirapan ang mga may trabaho, lalo na ang mga tambay.

Kaya sabi nga, maswerte kung may regular na kayod o mapagkukunan ng panggastos sa araw-araw na pangangailangan.

Ang mga hirap makapasok ng trabaho, aba’y mapalad kapag napasama sa mga naaalalayan ng gobyerno sa pamamagitan ng iba’t ibang mga programa tulad ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program.

Hindi na bago sa pandinig natin ito.

Ang TUPAD Program ay pinaglaanan daw pala ng pondo ng Department of Budget and Management (DBM) na papalo sa P12.9 bilyon para sa susunod na taon.

Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, bahagi raw ito ng P16.4 bilyong pondo ng Integrated Livelihood and Emergency Employment Program (DILEEP) ng Department of Labor and Employment (DOLE).

May safety net program din na susuporta sa mga proyektong may kinalaman sa job generating programs habang aabot naman sa P406.88 milyon ang nasa ilalim ng Adjustment Measures Program (AMP).

Bahagi ito ng mas pinalawig pang mga programang pangkabuhayan sa pamamagitan ng panukalang 2024 National Expenditure Program (NEP) ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.

Kasama rin daw dito ang P5.62 bilyon para sa Sustainable Livelihood Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD); P549 milyon para sa Implementation and Monitoring of Payapa at Masaganang PamayaNAn (PAMANA) Program na naglalayong palawakin ang access ng mga komunidad sa socio-economic interventions; P1.35 bilyon para sa Aquaculture Sub-Program ng Department of Agriculture (DA) na target palakasin ang teknolohiya ng bansa para sa breeding at larval rearing ng mga isda; P1.09 bilyon para sa Special Area of Agricultural Development (SAAD) Program Phase 2; at P210.9 milyon para sa Major Crop-based Block Farm Productivity Enhancement Program ng Department of Agrarian Reform (DAR).

Nakabibilib ang TUPAD Program dahil ito’y nagbibigay ng emergency employment para sa mga Filipino worker na apektado ng pagtaas ng halaga ng bilihin at walang trabaho.

Ang mga benepisaryo ay babayaran matapos magtrabaho ng 10 hanggang 30 araw.

Ngunit mahalagang salain pang mabuti ang mga isasama sa programa.

Noon kasi ay natuklasan na may mga hindi karapat-dapat na mapabilang gaya ng tatlong benepisaryo sa lungsod ng Davao na nabistong nagpapanggap lang na nagtatrabaho.

Nakunan kasi ng video ang isang babae at isang lalaki, kasama ang isang tagakuha ng litrato, na nagpapanggap na pumasok sa trabaho matapos maatasang mag-community service kapalit ng ayuda.

Gayunman, nabisto na nagpapalit-palit lang pala ang tatlo ng damit bago kuhanan ng litrato.

Sa ganoong paraan nga naman, iisipin na nagtatrabaho sila araw-araw kahit hindi naman.

Nawa’y natuto na ang mga taga-DOLE at ilang local government units (LGUs) sa pangyayaring iyon.

Sa totoo lang, mas maraming karapat-dapat at nangangailangan na hindi nabibigyan ng pagkakataong mapasama sa TUPAD Program.

Sa ginawa ng tatlong iyon noon, aba’y malinaw na inabuso nila ang gobyerno at niloko ang taumbayan.

Maging maingat at mapagbantay sana ang mga kaukulang ahensya ng gobyerno sa pagsasala ng mga isinasama sa mga paayuda at iba pang programang pangkabuhayan ng pamahalaan.