INIHAHANDA na ng Department of Public Works and Highways ang malalaking proyekto sa Mindanao sakaling maipatupad na ang RA 11054 o Bangsamoro Organic Law kung saan pinag-aaralan na rin ng Senado ang iba pang kakailanganin dito.
Sa pulong na ipinatawag kamakailan ni Committee Chairman on local government Senator Francis Tolentino, kabilang ang pagsasagawa ng national roads,bridges at flood control na mga proyekto ang inilatag na ni DPWH Undersecretary Emil Sadain, ang itinalagang focal person ng Bangsamoro Autonomous Region for Muslim Mindanao(BARMM).
Kabilang sa mga proyektong ipagagawa sa dating ARMM ay ang konstruksyon ng 62 kilometrong transcentral at 19 kilometrong ring roads sa ilalim ng Marawi rehabilitation projects at pagsasaayos ng 176 kilometrong national roads sa Maguindanao at Lanao Del Sur gamit ang pondo mula sa Japan International Cooperation Agency (JICA).
Tutulong din ang Asian Development Bank (ADB) sa pagtatayo ng tatlong tulay sa Tawi-Tawi at konstruksiyon ng 840 metrong lineal bridge na magdudugtong sa Isla ng Malawali at Basilan at maging ang 25 kilometrong coastal road sa Jolo, Sulu ay kabilang din sa priority project ng ADB upang maisakatuparan na ang inaasam na pagbabago ng mga Muslim doon.
Kaugnay nito ay bubuksan naman ang Regional Project Management Office(RPMO) sa naturang rehiyon upang siguruhin ang dekalidad na implementasyon ng P5 bilyon pang mga proyekto rito na kabilang naman sa General Appropriations Act(GAA) ng 2020, ayon kay DPWH Secretary Mark Villar na umaasang makakamit na rin ng dating magulong rehiyon ang tuluyang pag-asenso rito. NORMAN LAURIO
Comments are closed.