Welcome development kay Senator Christopher “Bong” Go ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga alegasyon ng pang-aabuso na isinagawa umano ni Philippine Ambassador to Brazil, Marichu Mauro, laban sa kanyang Filipino household staff member.
“Paalala ko lang na ang mga opisyales ay mga public servants — trabaho natin na mapangalagaan ang kapakanan ng bawat Pilipino. Dapat tayo maging tamang halimbawa sa bawat mamamayan, lalo na ang mga ambassador na ang mandato ay proteksyunan ang mga kababayan natin sa ibang bansa,” ani Go.
Pinaalalahanan rin ni Go ang lahat ng public officials na istriktong tumalima sa mga pamantayan na itinatakda ng Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees at iba pang aplikableng pamantayan, gaya ng Foreign Service Act.
“Public office is a privilege and Mauro, like all other public servants, should be held to the highest of moral and ethical standards, not just in the performance of their official functions and responsibilities, but also on how they act as Filipino citizens,” paliwanag ng senador.
Paalala pa ni Go, ang mga public servants ay dapat na maging ehemplo, partikular na yaong kumakatawan at may bitbit ng pangalan ng bansa sa international sphere.
“The government, most especially in foreign service, has no place for anyone who does not respect human rights and maltreats others just because of their stature in life,” anang senador.
“Walang sinuman ang may karapatang mang-abuso ng kapwa, lalo na ‘yung mga opisyales natin sa mga embahada sa ibang bansa. Nandyan po kayo para pagsilbihan at proteksyunan ang mga kababayan natin, hindi para abusuhin ang mga Pilipinong maayos na nagtratrabaho dyan para buhayin ang kanilang pamilya,” dagdag pa ni Go.
Bilang miyembro ng Senate Committee on Foreign Relations, hiniling rin ng senador sa DFA na tiyaking ang mga angkop na pamamaraan ay nasa ayos para kapwa maprotektahan ang karapatan ng akusado at ng biktima, gayundin ay dapat sundin ang due process.
Noong Biyernes, inianunsiyo ni DFA Secretary Teodoro Locsin Jr. na pormal nang binuksan ng DFA ang imbestigasyon laban kay Mauro matapos ang pagpayag ng Pang. Rodrigo Duterte.
Inaasahang darating si Mauro sa bansa nitong Nobyembre 2 matapos na pauwiin ng DFA, bunsod nang pagkalat ng mga CCTV footage kung saan makikita ang ginagawa niyang pang-aabuso at pananakit sa kanyang Pinay na kasambahay.PMRT
Comments are closed.