NORTHERN SAMAR – HINDI umubra ang gulpe de atake ng halos 50 miyembro ng New People’s Army (NPA) sa pagsalakay ng mga ito sa Victoria Municipal Station dahil agad nakaporma ang pulisya at nilabanan ang mga rebelde kung saan tatlo sa hanay ng mga tulisan ang nalagas kahapon ng madaling araw.
Sinabi ni PNP Region 8 Regional Director Brigadier General Dionardo Carlos, agad nakatunog ang pulisya at pumanhik sa bubong upang labanan ang mga umatakeng rebelde.
Ayon kay PNP Police Regional Office 8, Public Information Office chief Lt. Col Bella Rentuya, sinalakay ang nasabing police station alas-3:30 ng madaling araw.
Kahit outnumbered ay lumaban nang husto ang 15 pulis na naka-duty sa pangunguna ni P/ Lt. Eladio G. Alo hepe ng Victoria MPS.
Pinaposisyon ni Alo ang kanyang mga tauhan sa rooftop, 3rd floor ng nasabing himpilan upang hindi tuluyang makubkob ng mga sumasalakay na NPA.
Nang malagasan ng tatlo ang mga rebelde bukod pa sa ilang sugatan ay nagpasya ang mga ito na umatras na bago pa dumating ang mga rerespondeng tauhan ng Philippine Army at iba pang pulis mula sa mga kalapit na himpilan.
Dalawang pulis naman ang sugatan sa kanilang mga mukha bunsod ng hand grenade o M203 rifle grenade na pinawalan ng mga NPA sa kasagsagan ng kanilang pananalakay.
Kinilala ang mga sugatan na sina P/SMSg Arturo Gordo, Jr; at P/MSg Arnold Cabacang na kapwa nilalapatan na ng lunas sa isang pagamutan.
Dalawang sibilyan din ang sugatan ng paputukan ng mga NPA na nagsilbing blocking forces ang sinasakyan nila na kinilalang sina Shay Sanchez at Samuel Ilustre.
Lumitaw sa pagsisiyasat na dumating ang mga communist terrorist sakay ng isang Izusu forward truck at karamihan sa mga ito ay nakasuot pa ng military fatigues at gumamit ng dilaw na tela na head band/countersign at ilan sa mga ito ay mga babae.
Ngayong araw ay nagseselebra ng kanilang anibersaryo ang mga rebelde.
Sa clearing operation nabawi ng mga pulis ang apat na mataas na kalibre ng baril na kinabibilangan ng isang (1) cal 60 light machine gun, isang (1) M14, dalawang M-16 Armalite at pagkakadiskubre ng isang patay na rebelde sa harapan ng police station at dalawa sa likurang bahagi habang tatlong NPA din ang nadakip.
Bunsod nito agad na inutusan ni PRO 8 Regional Director P/BGen Dionardo Carlos ang lahat ng kanilang mobile forces na paigtingin ang ginagawang pagtugis sa mga tumatakas na NPA.
Hinala ni Carlos tinangka ng CPP-NPA na patampukin ang kanilang pagdiriwang ng kanilang anibersaryo ngayong araw kaya naglunsad ng kanilang opensibang gerilya na nasupil naman ng mga pulis.
Pinapurihan ng PNP high command ang katapangang ipinakita ng 15 pulis na lumaban ng sabayan kahit talo sa bilang. REA SARMIENTO/VERLIN RUIZ
Comments are closed.