MGA PULIS NA BANTAY NI VP SARA ILALAGAY SA KALSADA

PRAYORIDAD ngayon ng Philippine National Police ang pagpapaigting sa panseguridad na operasyon at paglaban sa kriminalidad kaya binawi ang mga pulis na nagbibigay proteksyon sa iba’t ibang personalidad, kabilang ang ilang opisyal ng gobyerno katulad ni Vice President Sara Duterte-Carpio.

Ito ang paliwanag ni PNP chief Gen Rommel Francisco Marbil matapos kumpirmahin ni VP Sara na 75 na tauhan ng Police Security and Protection Group (PSPG) na nakatalaga sa kanya bilang security detail ay na-relieve na.

Sinabi ni Marbil na bago ang pag-recall ay may naunang koordinasyon sa Office of the Vice President (OVP) hinggil sa pag-pullout ng mga pulis.

“Kinausap namin, ang PSPG natin, ‘yung chief of staff ng ating VP na yung mga tao kasi marami na sila. We asked them na puwede naming ilipat (and) nilipat namin na kailangan sa NCR [National Capital Region],” anang heneral.

Aniya, ang seguridad ng VP ay nasa ilalim ng Presidential Security Group (PSG) at ang PSPG ay umaakma lamang sa mga detalye ng seguridad.

Una rito sa mismong araw ng ikatlong SONA ng Pangulong Marcos ay may kumalat na department circular na nagmula umano sa Department of National Defense kung saan inilalagay sa ilalim supervision ng Presidential Security Group ang Vice President Security and Protection Group.

Hindi naman ito kinumpirma ng DND at maging ng AFP kung saan ayon sa department circular na nire-re organized ang PSG at gagawin itong Presidential Security Command.

Ayon kay Gen. Marbil na kailangan nila ng mas maraming opisyal na itatalaga sa mga lansangan para lalo pang mapalakas ang peace and order measures, lalo na sa urban areas.

Sa ilalim ng mga patakaran ng PNP, tanging ang PSPG lamang ang pinapayagang magbigay ng protective security personnel sa mga may balidong banta sa seguridad sa kanilang buhay.

Ayon kay Marbil, walang halong pulitika ang pagbabawas sa security detail ng pangalawang pangulo.

Aniya, kinakailangan kasi nilang magdagdag ng puwersa sa Metro Manila kaya’t binawasan ang security ni VP Sara.

Sa katunayan, hindi lamang si VP Sara ang tinapyasan ng security detail dahil may mga dating heneral din ang naapektuhan ng kautusan.

Kasunod nito, naniniwala ang PNP na hindi malaking kawalan ang pagbabawas ng security ni VP Sara dahil nagsisilbi lamang itong dagdag mula sa mga sundalong nagbabantay rito.
VERLIN RUIZ