MAKARAAN sumampa sa 2,008 ang kumpirmadong COVID-19 infected sa police force, tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Archie Francisco Gamboa na itatayo ang ikalawang RT-PCR (reversed transcription-polymerase chain reaction) testing center sa loob ng Camp Crame sa Quezon City.
Sa regular Monday press conference ni Gamboa, sinabi nito na nagpapa-training na sila ng mga techinician para sa itatayong pasilidad.
Bukod sa ikalawang RT-PCR testing center sa loob ng Camp Crame, inaasahang matatapos na rin ang itinatayong pasilidad sa Camp Sotero Cabahug sa Cebu City.
Habang sa Agosto naman aniya ay itatayo ang panibagong COVID-19 Testing Center sa Davao City.
Kinumpirma naman ni PNP Deputy Chief for Administration, Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan ang pagtatayo ng mga panibagong RT-PCR Testing Center para sa pulisya na siya ring namamahala bilang komander ng Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF).
Ang puspusang pagtatayo ng COVID-19 Testing Center ay dahil araw-araw nadaragdagan ang nahahawahan ng naturang sakit.
Bukod sa mahigit na 2,000 na infected, naitala rin ang 725 probable person under investigation (PUIs), 2,445 suspect PUIs, 716 nakarekober habang sampu ang nasawi. EUNICE C.
Comments are closed.