MGA PULIS NA GUMALING SA COVID-19 MAGDO-DONATE NG DUGO

blood donation

KASUNOD ng pagtiyak na ide-deploy ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang MedTech cops sa iba’i-ibang ospital para tumulong sa health worker ay inihahanda naman ang mga pulis na nakarekober sa CO­VID-19 para mag-donate ng dugo.

Ito ang kinumpirma ni PNP Deputy Chief for Administration at Admin Support  to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF) Commander Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan.

Ayon kay Cascolan,  malaking tulong  ang dugo ng mga nakarekober na pulis para sa convalascent plasma therapy ng mga pasyente ng COVID-19.

Paglilinaw ni Cascolan, boluntaryo ang pagdo-donate ng dugo ng mga pulis na nakarekober sa nasabing sakit.

Nauna nang pumasok ang PNP sa isang kasunduan sa isang ospital hinggil sa donasyon ng plasma blood.

Dagdag pa ni Cascolan, muling i-screen ang mga dugo ng mga pulis bago ipagamit para sa convalascent plasma therapy.

Batay sa datos ng PNP, nitong ala-6 gabi ng Huwebes, nasa 1,384 na pulis ang nakarekober sa COVID-19.

Ang hakbang ng PNP ay bahagi pa rin ng kanilang pagtugon sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na umalalay ang pulisya sa paglaban sa COVID-19 pandemiya.

Comments are closed.