MGA PULIS NA MAY ADMINISTRATIVE CASE IIMBENTARYUHIN

PINAPA-REVIEW nga­yon ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen Benjamin Acorda Jr. ang mga nakabinbin at hindi pa mga nareresolbang administratibong kasong kinakaharap ng ilang mga pulis.

Kasunod ito ng mga pagkuwestiyong natanggap ng Pambansang Pulisya kaugnay sa hindi pa rin pagsibak sa isang tauhan ng Navotas City Police Station na dawit sa mistaken identity incident na ikinamatay ng binatilyong si Jemboy Baltazar.

Kaya pinasisilip ni Acorda ang mga administratibong kasong nakasampa laban sa mga pulis na matagal nang nakabinbin.

Pag-amin ni Acorda, sa ngayon ay maraming mga kaso ang naiipon sa National Police Commision (NAPOLCOM) na hindi agad nareresolba at naipapatupad.

Nilinaw din ng heneral na iba’t -iba ang bilis ng pagresolba sa mga administratibong kaso na kinasasangkutan ng mga pulis.

Ani Acorda, depende sa mga dokumento at ebidensya ang bilis nang tinatakbo ng pagresolba ng kaso.

Kaugnay nito, nagpulong na sina Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos at National Police Commission (NAPOLCOM) Vice Chairman at Executive Officer Atty. Alberto Bernardo kaugnay sa mga hindi pa nareresolbang kaso ng PNP.

Pinasisilip pa ni Acorda ang lahat ng mga kaso ng mga pulis na nasa NAPOLCOM para ito ay maisalang sa review at matiyak na hindi ito napapabayaan.

Aniya, iba-iba ang bilis ng pagresolba sa mga administratibong kasong isinasampa sa mga pulis dahilan kung bakit iba-iba rin ang appreciation sa mga kasong ito dahil nakadepende ang mga ito sa bigat ng kaso at availability ng mga dokumento nito.

Bukod sa nasabing isyu ay sinisilip din ng ilang kritiko ang updates sa mga senior police officers na sinasabing tinanggap na ng Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos ang kanilang mga isinumiteng courtesy resignation.

Umani ng pagtuligsa ang hindi umano paghahain ng kaso administratibo o kasong criminal kung talagang kinakitaan sila ng katibayan na nasangkot sila sa anomalya kaya tinanggap ng commander in chief ang kanilang resignation.

Kasunod ito ng ulat na matatangap pa rin nila ang kanilang mga benepisyo matapos nilang mag courtesy resignation.
VERLIN RUIZ