MGA PULIS NA MAY BITBIT NA BARIL SA PAARALAN IDINEPENSA

BAHAGI ng uniporme ng pulis ang kanilang armas.

Ito ang depensa ni PNP Chief PLt. Gen. Dionardo Carlos sa mga pulis na nakunan ng larawan na bitbit ang kanilang mga armas sa loob ng isang silid aralan sa Alaminos, Pangasinan.

Ito’y kahit pa naglabas ng statement ang Department of Education (DepEd) kaugnay ng insidente na nagsasabing paglabag sa kanilang polisiya ang presensya ng armed combatants sa loob ng mga eskwelahan, taga gobyerno man o hindi.

Paliwanag ni Carlos, ang dapat tignan sa insidente ay kung paano ba ang inasal ng mga pulis na pumasok sa eskuwelahan.

Kung maayos naman aniya ang kanilang naging postura at pag uugali, hindi ito maituturing na isang pagkakamali.

Gayunman, inihayag ni Carlos na siya mismo ang kakastigo kung may mga pulis na mag-aastang barumbado lalo na sa mga eskuwelahan o sa harap ng mga estudyante

Batay sa field report na natanggap ng DepEd, bahagi ng security detail ng isang LGU official sa Alaminos ang mga pulis na pumasok sa eskuwelahan para bisitahin ang unang araw ng face-to-face classes.
EUNICE CELARIO