MGA PULIS NA NAKA-DEPLOY SA TAAL NAGKAKASAKIT NA

Pulis sa taal

CAMP CRAME-INA­MIN ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Archie Francisco Gamboa na nagkakasakit na rin ang mga pulis na naka-deploy sa mga lugar na apektado ng pagsabog ng Taal Volcano.

Subalit, aniya mga “minor” lang at hindi grabeng sakit ang nararanasan ng mga pulis.

Ito aniya ang dahilan kaya nagpapalitan ng deployment ang mga pulis sa lugar upang hindi masyadong nakababad ang mga pulis sa mga danger zone.

Ayon kay Gamboa ang mga pulis ng PRO-Calabarzon ang pangu­nahing nakatutok sa mga operasyon sa lugar at humahalili sa kanila ang mga miyembro ng reserve Force galing sa Maynila.

Matatandaang ipinadala sa Calabarzon mula sa Camp Crame noong Biyernes ang 1,000 pulis na kalahati ng 2,000 Reactionary Standby Support Force (RSSF) para palitan ang kalahati ng mga pulis ng Calabarzon na  guma­gawa ng relief at evacuation Operations.

Sinabi ni Gamboa na tatlo hanggang apat na araw ang shifting ng mga reserve forces, para mapanatiling laging malakas ang pangangatawan ng mga pulis na naka-duty sa Taal. REA SARMIENTO