KAHIT anong gawin at kahit gaano katino ang mga namumuno ng PNP na gaya ni General Oscar Albayalde at NCRPO Chief Major General Guillermo Eleazar kung bugok ang mga nasa ibaba ay hindi talaga gaganda ang imahe ng ating kapulisan.
Gaya na lang nitong mga pulis na nakatalaga sa Police Community Precinct 2 (Buendia station) ng Pasay City Police na pinamumunuan nitong si Capt. Ricky Loyola Culanding na siyang mga pasimuno ng mga kawalanghiyaan sa Pasay.
Halimbawa na lang noong Miyerkoles ay nagsagawa ng diumano’y “clearing operation” itong mga bataan ni Culanding sa pumumuno ng isang nagngangalang Pmsgt. Dominador Mendoza at Cpl. Manaat sa kahabaan ng Sandejas Street na sakop ng kanilang presinto. Maganda naman sana ‘yan kasi matagal ko na ring inirereklamo ang mga nakahambalang na mga illegally parked vehicle, mga tindahan at kung ano-ano pang mga obstruction.
Ngunit sa halip na ito ang pagtuunan ng pansin ay biglang nauwi sa panghuhuli ng mga motorista ang kanilang clearing operation. Lahat ng mga sasakyan sa Sandejas sa southbound ay biglang pinaghuhuli ng mga ito kasama na ang ating kaibigan na mahigit nang 24 taon na nakatira sa naturang lugar.
Pinagpipilitan nilang one-way umano ang northbound ng Sandejas kaya’t nanghuhuli sila ng mga motorista. Pinagkukumpsika ang lisensiya ng mga motorista at pagkatapos nito ay ire-require ka na pumunta sa kanilang presinto upang “kausapin” si Culanding. D’yan pa lang eh “alam na dis” ang sistema ng mga ulupong na ito.
Ang problema ay walang kahit anong legal na batayan ang iniimbentong violation ng mga ito. Maliban sa walang mga signage na nagsasabing one-way ang Sandejas, may City Ordinance 1889 din ang Pasay na nagsasabing one-way ang southbound ng naturang kalsada. In short, baligtad pa ang sinasabing one-way nitong mga walanghiyang pulis ng Pasay.
Sa madaling sabi eh halatang iba ang lakad talaga nitong mga pulis sa PCP 2. Habang ang sigasig nilang manghuli ng mga motorista sa isang barangay road ay dedma naman sila sa mga illegal terminal na nakahimpil sa kahabaan ng Buendia kasama na rito ng himpilan ng UV Express ilang metro lang ang layo sa kanilang opisina.
Sana naman ay pagtuunan ito ng pansin ni Gen. Albayalde at Maj. Gen. Eleazar. Batid natin na malinis ang kanilang hangarin ngunit iba naman ang paniniwala ng ilan sa kanilang mga tauhan. Maganda siguro ay ilagay sa Sulu itong mga kumag na ito upang sila ang mag-checkpoint sa mga dumaraming suicide bomber sa naturang lugar.