MGA PULIS SA NCRPO NEGATIBO SA DRUG TEST

ALINSUNOD sa DILG BIDA Program, pinananatili ni NCRPO chief MGen Jonnel Estomo ang consistent full force effort para linisin ang hanay nito mula sa mga scalawags lalo na ang mga sangkot sa ilegal na droga.

Sa layuning ito, nanawagan siya kamakailan para sa isang diyalogo sa tatlumpu’t isa mula sa 43 pulis na nakalista sa ilalim ng watchlist ng ilegal na droga at pagkatapos ay nagsagawa ng surprise random drug test nitong Enero 12, 2023.

Bahagi ito ng determinadong pro-active approach ng NCRPO para linisin ang hanay nito at bigyan ng pagkakataon ang mga inosenteng pulis na alisin ang kanilang mga pangalan sa listahan at ipagpatuloy ang kanilang serbisyo sa mga tao.

Inulit ni Estomo ang panawagan ng SILG at hinamon ang mga pulis na pinangalanan sa ilalim ng watchlist na linisin ang kanilang mga pangalan at bigyang daan ang masusing imbestigasyon.

Higit pa rito, nagbigay din si ESTOMO ng isang buwang panahon para sa adjudication board na mag-validate at magsumite ng ulat at rekomendasyon batay sa mga natuklasan.

“I’m giving you one month para maayos ito. Kung involved sila, kasuhan natin. Kung hindi, i-clear natin,” tagubilin ni Estomo sa board.

Kamakailan, umapela si SILG Atty Benjamin Abalos Jr sa mga koronel at heneral ng Philippine National Police na magsumite ng courtesy resignation kung saan pinanindigan ni Estomo ang pangunguna ng mga magagaling na mataas na opisyal ng NCRPO sa 100% compliance.

Dahil dito, lahat ng sample ng ihi na kinuha mula sa mga nakalistang pulis ay nagbunga ng negatibong resulta para sa pagkakaroon ng methamphetamine hydrochloride o shabu.

“Ito ay isang magandang senyales sa ating mga kapulisan na pinaghihinalaang sangkot sa illegal drugs na tuluyan nang malinis ang kanilang pangalan dahil sila ay pasado na sa unang yugto ng pagsusuring ating ginagawa,” diin ni Estomo. EVELYN GARCIA