(Mga pulitiko posibleng suki rin-PNP-CIDG) 53 LOOSE FIREARMS NASAMSAM SA ONLINE SELLER

AABOT sa 53 loose firearms o hindi mga lisensiyandong armas na kinabibilangang ngn 27 long firearms at 26 short firearms gayundin ang iba’t ibang bala ang nakumpiska ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isang online seller sa Marikina City.

Ang mga armas na walang serial number kabilang ang mga bala ay inilatag ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Benjamin Acorda Jr. sa media kahapon.

Nabatid nitong Setyembre 29, sinalakay ng CIDG at personnel ng PNP ang bahay ng hindi pinangalanang online seller na armado ng dalawang search warrants na inilabas ng Executive Judge ng Regional Trial Court, National Capital Judicial Region ng Marikina City.

Ang hakbang ay bahagi ng security operation ng PNP kaugnay sa paparating na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na magaganap sa Oktubre 30.

Naniniwala naman si Acorda na dahil hindi lisensiyadong online seller ang suspek ay mga ilegal rin ang kliyente nito.

Bukod sa pagbebenta ng loose firearms, nagre-repair din mga armas ang suspek.

Dagdag pa ni Acorda, posibleng ang kliyente ng suspek ay mga politiko habang tiniyak ni CIDG Director Maj. Gen. Romeo Caramat na kanilang bine-verify ang kung sino-sino ang mga kliyente ng naarestong unlicensed gunsmith at online gun seller.

“The arrested person has no license to operate a firearms business and had not submitted any application to the PNP’s Firearms and Explosive Office for dealing and manufacturing firearms,” ani Caramat.

Pinuri naman ni Acorda ang CIDG personnel sa matagumpay na pag-aresto sa suspek at pagkakumpiska ng mga loose firearm.
EUNICE CELARIO