MGA PUWEDENG IPANREGALO NGAYONG PASKO

REGALO-3

(NI CT SARIGUMBA)

KABILANG na sa tradisyon ng mga Filipino ang magbigayan ng regalo sa mga kaibigan, kakilala, kaopisina at kapamilya. Sa pagbibigay rin ng regalo natin naipadarama at naipakikita ang tunay na diwa ng Pasko.

Bukod nga naman sa pagiging abala ng marami sa atin sa pagdedekoras­yon ng tahanan at pag-iisip ng mga putaheng iluluto, isa pa sa nasa isip natin ay ang mga klase ng regalong dapat nating bilhin at ibigay sa ating mahal sa buhay.

Sa pagbibigay ng regalo, dapat ay maging praktikal tayo. Dapat ay napakikinabangan ito’t nagagamit. Kaya naman, sa mga nag-iisip ng magandang ipanregalo ngayong Pasko, narito ang ilan sa tips na puwedeng isaalang-alang:

IBA’T IBANG KLASE NG LIBRO

Isa sa suhestiyon ko pagdating sa magandang regalong puwedeng ibigay ay ang libro. Bata nga naman o matanda ay swak na swak bigyan ng libro dahil talagang mapakikinabangan ito.

Maraming klase rin ng libro ang puwede na­ting pagpilian na talagang maiibigan ng ating pagbibigyan.

Maganda rin ang pagbibigay ng libro lalo na sa mga bata nang maengganyo at masanay silang magbasa.

May mga murang lib­ro ka rin namang mahahanap.

HYGIENE KIT

Kahit saan man tayo magpunta, mahalagang napananatili natin ang pansariling kaayusan at kalinisan. Sumasalamin nga naman ang pagiging malinis at maayos ng ating kabuuan sa ating pagkatao.

Kaya naman, kung nag-iisip ka ng magandang panregalo na siguradong magugustuhan ng pagbibigyan, isa sa dapat na isaalang-alang ang hygiene kit. Ilan din dapat sa nasa loob ng hygiene kit ay ang hand sanitizer o hand cream, moisturizer at antibacterial wipes.

STRESS BALL

Maraming trabaho ang nakapagdudulot sa atin ng stress. At dahil nga naman hindi maiwasan ang stress, isa sa mainam gawin ay gumawa ng pa­raan nang maibsan ang nadarama. Masakit sa ulo ang stress.

At dahil kahit na sino ay maaaring ma-stress, isa sa magandang ipanregalo ay ang stress ball. Simple man ito ngunit makatutulong ito upang maibsan ang nadaramang stress ng isang tao.

Bukod sa magaan lang ito sa bulsa ay tiyak na ikatutuwa ito ng pag­reregaluhan mo kapag natanggap niya ito.

HOMEMADE GIFTS

Para rin maka-save, maaari ka rin namang gumawa ng homemade gifts. Puwede kang mag-bake ng iba’t ibang pagkain o dessert. Mas may senti-mental touch din ang homemade gifts kaya’t swak na swak itong subukan.

Kung wala ka namang ideya kung ano ang gagawing gift, puwede kang mag-research sa online. Tiyak na marami kang makukuhang ideya.

COLORFUL PEN AT NOTEBOOK

Mainam din ang pagbibigay ng colorful pen at notebook. Magandang practice rin kasi ang pagsusulat ng diary upang mahasa ang ating kaalaman at kakayahan. May iba naman na nakatutulong ang pagsusulat ng diary upang maibsan ang stress na nadarama.

Maraming klase ng notebook ang maaaring pagpilian, gayundin ang mga ballpen na may iba’t ibang kulay.

IBA’T IBANG KLASE NG TEA

Isa pa sa nakapagpapawala ng stress at nakapagpapakalma ang tea. Maraming kalse ng tea ang maaari nating pagpilian sa merkado.

At dahil stressful nga ang buhay, swak na swak din ang pagreregalo ng tea. Maa-appreciate rin ito ng iyong pagbibigyan.

EARPHONE O SPEAKER

Isa pa sa madalas na ginagamit ng marami sa atin ang earphone at speaker. Kapag nga naman nasa biyahe ay ma­rami sa atin ang nakikinig ng music o kaya nano­nood ng movies.

Kaya para mapakinabangan ang iyong ipan­reregalo, magandang option ang earphone. Puwede rin naman ang speaker dahil magagamit din ito, sa opisina man o sa bahay.

Kung regalo at regalo lang din ang pag-uusapan ay napakarami nating puwedeng maisip. Basta’t sa pag-iisip ng ireregalo, dapat ay mapakikina-bangan ito nang makatatanggap. (photos mula sa usatoday.com, mirror.co.uk at cbc.ca)

Comments are closed.