MGA REPATRIATED OFW SA SAUDI PRAYORIDAD SA JOBS JOBS JOBS

PASAY CITY – TINIYAK ni Labor Secretary Silvestre Bello III na prayoridad ang mga na-repatriate na overseas Filipino workers  (OFWS)  mula sa Saudi Arabia sa isinusulong na Jobs Jobs Jobs sa ilalim ng Build Build Build Caravan.

Tinukoy ng kalihim ang mga OFW na sumailaim sa 90-day amnesty period noong isang taon.

Ang pagtitiyak ay sinabi ni Bello nang humarap sa media sa katatapos na Build Build Build Caravan na isinagawa sa SMX Convention Center kahapon.

Aniya, sa ilalim ng BBB Caravan layunin na makapag-generate din ng trabaho na tinawag na Jobs Jobs Jobs at puntirya nito na makapagbigay ng 1.2 million jobs kada taon

Sa nasabing numero, may nakalaang slot para sa dating OFW.

Magugunitang nagtulong-tulong ang Department of Labor and Employment at ang mga attached labor agencies na Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Philippine Overseas Employment Agency (POEA) para bigyan ng assistance ang mga umuwing OFWs.

Ang una ring 90 araw ay nagkaroon pa ng extension kaya marami ang repatriated OFWs.  EUNICE C.