MGA REPLICA NG ITIM NA NAZARENO 3-ARAW NA BABASBASAN

SINIMULAN na kahapon ang pagbabasbas sa mga replica ng Itim na Nazareno sa Quiapo Church sa Maynila.

Para maiwasan ang dagsa ng mga deboto, ginawang 3 araw ang pagbabasbas, Ayon kay Quiapo Church parochial vicar Fr. Douglas Badong, layon nito na maiwasan ang pagdagsa ng mga deboto na kung saan, tatlong araw isasagawa ang pagbabasbas.

“Iyong dating 1 araw lang natin ginagawa, para maiwasan ang ating pagdidikit-dikit at masunod pa rin natin ang physical distancing, ay ginawa nating 3 araw,” ani Badong.

Kasabay ng unang araw ng pagbabasbas, nagsagawa rin ng misa sa Quiapo Church kahapon ng tanghali.

Nabatid pa na sinimulan na rin ang paglabas sa mga imahen ng Nazareno sa Quiapo Church para dalhin sa mga lalawigang probinsiya.

Nanawagan din ang pamunuan ng Quiapo Church na hindi pa rin maidaraos sa susunod na taon ang nakagawiang prusisyon ng Traslacion na nilalahukan ng daan-libong deboto.

Subalit, sa Disyembre 30 ay magkakaroon ng thanksgiving procession ang Nazareno sa rutang dinadaanan ng Traslacion.

At may pag-iingat pa ring gagawin para hindi dagsain ng mga deboto ang prusisyon.

“Imo-motorcade lang para naman po makalabas ang Nazareno na nakagawain, matunghayan siya.

Puwede naman na doon lamang sa dadaanan, magsindi ng kandila,” ani Badong.

Gayundin, magkakaroon ng mga misa na magsisimula ng alas-5 ng madaling araw ng Disyembre 31 na idaraos kada oras hanggang alas-6 ng gabi.

Alas-8 naman ng gabi isasagawa ang misa para sa bisperas ng Bagong Taon sa Quiapo Church.