MGA RESIDENTE NG 2 BARANGAY SA BUENAVISTA, QUEZON, NABABAHALA SA PAPARATING NA BAGYONG KRISTINE

NAGPAHAYAG ng pagkabahala sa kanilang kaligtasan ang mga residente sa dalawang barangay ng Buenavista Quezon na maaaring gumuho dahil sa pagkawasak ng proteksiyon na nagpapatatag sa lupang tina­tayuan ng kanilang mga tahanan.

Sa pulong balitaan sa Lungsod ng Maynila, umapela sa mga mamamahayag at maging sa  pamahalaan ang mga naturang residente na tulungan sila upang hindi tuluyang mawasak ang kanilang kabuhayan at kapaligiran partikular na ang kanilang bayba­ying dagat.

Reklamo ng mga residenteng malapit sa Mangroves sa Brgy. Sabang Piris at Macaca Coral Reef sa Brgy. Mabutag, unti-unti nang sinisira at pinagigiba ng alkalde ng Buenavista, Quezon na si Mayor Reynaldo Rosilla Jr. ang mga bakawan at mga coral reef.

Ayon kay  Chairman Fernando Dimayuga ng Brgy. Mabutag, ginigiba ang mga bakawan para may madaanan ang speedboat ng alkalde patungo sa kanyang sari­ling beach resort.

Nasa mahigt 50 pamilya ng Barangay Mabutag ang apektado ng ginagawang pag-demolis kung saan ilang mangingisda ay walang ng pinagkakakitaan.

Iginiit naman ni Kagawad Maricar Ortiz Fernando  ng Barangay Sabang Piris na umaabot sa P300 kada araw ang nawalang kita sa kanila sa 150 pamilya  na umaabot sa P45,000 ang kada araw na nawawalang kita ng naturang barangay.

Ngayon aniyang mayroon na namang panibagong bagyo, hindi na anila sila mapanatag dahil maaaring lumaki na naman ang dagat at tuluyang ng iguho ang kanilang mga tirahan.

“Wala nang poprotektahang  mangroves laban sa bagyo at soil erosion,” ang hinaing nina Dimayuga at Fernando.