KABUUANG 25 lindol na sanhi ng pagkilos ng mga bato (volcano-tectonic o VT) ang naitala ng Kanlaon Volcano Network mula alas 8:32 ng umaga at ang huling 22 ay simula alas 10:35 ng gabi nitong Setyembre 9.
Ang mga residente ng Canlaon City sa Negros Oriental ay nag-ulat na naramdaman ang hindi bababa sa lima sa mga lindol na ito.
Ang mga VT earthquakes ay dulot ng pagkabiyak ng mga bato at ang pagtaas ng aktibidad ng VT ay maaaring manguna sa pagputok ng bulkan.
Pinaaalalahanan ang publiko na ang Alert Level 2 (tumataas na hindi pagkakapanatag) ay umiiral sa Kanlaon ngunit ang kasalukuyang seismic activity ay maaaring humantong sa pagkilos ng bulkan at pagtaas ng Alert level.
Pinapayuhan ang publiko na maging handa at mapagbantay at iwasang pumasok sa apat na kilometro na Permanent Danger Zone (PDZ) upang maiwasan ang mga panganib na dulot ng bulkan tulad ng pyroclastic density currents, mga lumilipad na bato, pagguho ng bato at iba pa.
Sa kaso ng ashfall na maaaring makaapekto sa mga komunidad na nasa baba ng crater ng Kanlaon, ang mga tao ay dapat takpan ang kanilang ilong at bibig ng basang malinis na tela o dust mask.
Dapat ding ipaalam ng mga awtoridad sa mga piloto na iwasan ang paglipad malapit sa tuktok ng bulkan dahil ang abo at mga lumilipad na fragment mula sa biglaang pagputok ay maaaring maging mapanganib sa mga eroplano.
Ang mga komunidad na nakatira sa tabi ng mga ilog sa timog at kanlurang dalisdis lalo na ang mga nakaranas na ng lahar at maputik na daloy ng tubig ay pinapayuhang mag-ingat kapag may inaasahang malakas na ulan sa ibabaw ng bulkan.
Ang DOST-PHIVOLCS ay patuloy na magbabantay sa ikinikilos ng Bulkang Kanlaon at anumang bagong pangyayari ay agad na ipapaalam sa publiko.
RUBEN FUENTES