UMAANGAL na ang mga residente sa isang exclusive na subdivision sa Parañaque dahil sa biglang pagdami ng mga manggagawa ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue ribbon committee sa umano’y money laundering at iba pang krimen na may kaugnayan sa paglaganap ng POGO sa bansa, ipinakita ng chairman ng komite na si Senador Richard Gordon ang video ng interview sa isang residente ng subdivision na nakararanas ng pagbaba sa kalidad ng kanilang pamumuhay.
Sa salaysay ni Pia Gray, matapos payagan na mag-operate ang POGO ay biglang tumaas ang populasyon sa kanilang komunidad dahil sa paglobo sa bilang ng Chinese workers doon.
Dahil dito ay tumaas ang consumption sa resources at pasilidad ng kanilang komunidad tulad ng koryente, tubig at sa basura.
Gayundin, mayroong residential spaces sa kanilang lugar na para lamang sa isang pamilya subalit okupado ito ng hindi bababa sa 40 Chinese nationals habang sa ibang single house naman ay may 200 o mahigit 100 ang nakatira.
Inireklamo rin ni Gray ang epekto sa kanilang komunidad ng pagdami ng sasakyan na sumusundo sa mga manggagawa.
Nakararanas na rin umano ang mga residente na pumuputok ang mga kable ng koryente dahil sa dami ng load, habang ang shuttle na sumusundo sa POGO workers ay umaabot na umano sa 500 na nagdudulot ng traffic at ang carbo footprint na tumaas na rin.
Bukod dito, naranasan na rin umano nila ang pagkakaroon ng raid sa village kung saan maraming naka-witness nito habang isang araw dakong alas- 3 ng madaling araw ay may nakita silang tumalon mula sa third floor ng bahay na mga nakahubad na lalaki at babae. VICKY CERVALES
Comments are closed.