(Mga residente pinag-iingat) KASO NG LEPTOS, DENGUE TUMATAAS

SA pagpapatuloy ng tag-ulan, nanawagan ang pamahalaang lokal ng Quezon City sa mga residente na sundin ang mga pag-iiwas lalo na sa taas na kaso ng Dengue at Leptospirosis sa lungsod.

Ayon sa Quezon City Epidemiology & Disease Surveillance Unit (QCESU), nakapagtala ng 1,160 na kaso ng Dengue mula Enero 1 hanggang Hunyo 24 kung saan ang Barangay Tatalon ang may pinakamataas na bilang ng mga kaso.

Inulat din ng QCESU ang isang namatay dahil sa Dengue sa Barangay Krus na Ligas kung kaya’t hinikayat ang QCitizens na magpasuri para sa Dengue kung sakaling magkaroon ng sintomas, gayundin ang pagsasanay sa 4S’s: Secure Self-Protection Measures tulad ng pagsusuot ng long pants at long-sleeved shirts, at paggamit ng mosquito repellant; suportahan ang fogging o pag-spray sa mga natukoy na hotspot at humingi ng maagang konsultasyon.

Nagsagawa rin ang pamahalaang lungsod at mga barangay ng ‘Search and destroy’ operations para maalis ang mga pinagmumulan ng lamok gayundin ang mga regular na clean-up drive kung saan hinihikayat ang mga miyembro ng komunidad na lumahok.

Samantala, nakapagtala ang lungsod ng kabuuang 32 kaso ng Leptospirosis mula Enero 1 hanggang Hunyo 24 kung saan apat na residente ang namatay mula sa Barangay Payatas, Old Balara, Pasong Tamo, at Talipapa, ayon sa pagkakasunod.

Pinaalalahanan ng QCHD ang QCitizens na magpakonsulta sa pinakamalapit na ospital o health center kung sila ay nakakaranas ng mga sintomas ng leptospirosis, tulad ng mataas na lagnat, pulang mata, pananakit ng tiyan, pananakit ng ulo, panginginig, pagduduwal, pagsusuka, pagtatae, at paninilaw ng balat o mata.

Pinapaalalahanan din ang mga residente na iwasan ang paglubog o paglangoy sa posibleng kontaminadong tubig, magsuot ng pamproteksiyon na damit, lumayo sa mga patay o may sakit na hayop, at takpan ang mga sugat sa balat ng hindi tinatablan ng tubig na dressing.
PAULA ANTOLIN