MGA “SANA” NITONG SEMANA SANTA

Joes_take

NATAPOS at dumaan na naman ang Semana Santa. Nawa’y hindi puro bakasyon ang inatupag ng mga tao kundi sana ay naaalala rin natin ang Panginoon sa panahong ito. Saan man tayo naroroon, anuman ang ating ginagawa, at sino man ang ating kasama, sana’y nagbigay tayo ng oras para sa pagninilay-nilay nitong  Semana Santa. Huwag sana nating kalimutan at tuluyang bitawan ang tunay na dahilan kung bakit mayroong ganitong panahon sa ating kalendaryo. Huwag nating kalimutan ang Panginoon na Siyang tumubos sa ating mga pagka-kasala.

Nitong Semana Santa, bukod sa pag­hingi ng kapatawaran at pagdarasal para sa pansarili kong kahili­ngan, marami rin akong ipinagdasal na iba pang bagay kasama ang mga suliraning kinakaharap natin sa araw-araw sa ating bansa. Ipinagdasal ko rin ang ating pamahalaan upang maging mas epektibo ito bilang pinuno ng ating bayan na inaasahan nating magdadala sa atin sa kaunlaran.

Napakarami nating suliraning kinakaharap na nangangailangan na ng agarang solusyon gaya na lamang ng problema natin sa supply ng tubig lalo na ngayong panahon ng tag-init. Sumabay pa ang El Niño kaya mas nararamdaman natin ang problema sa supply ng tubig. Sana’y magkaroon na ng de-sisyon tungkol sa mga proyektong ukol sa pagdagdag ng supply ng tubig sa bansa. Sana rin pati ang supply ng ating koryente ay mabigyang pansin ng pamahalaan upang hindi na maulit ang nangyari nitong nakaraan na kinailangang magpatupad ng rotational brownout dahil sa sabay-sabay na paghinto ng operasyon ng mga planta ng kor­yente.

Sa ganitong lagay ng panahon, napakaimportante at lalong mas kailangan ng tubig at koryente. Sana ay madesisyunan na ang mga nakabimbin na kontrata ukol sa supply ng koryente. Masyado nang luma at matatanda ang mga plantang kasalukuyang pinagkukuhanan ng kor­yente sa bansa kaya nga madalas na itong huminto sa operasyon para sa mga kailangan nitong maintenance. Kung hindi pa tayo aaksiyon ngayon, hindi malayong maulit ang panahon ng 90s kung saan talamak ang brownout dahil salat ang supply ng koryente sa bansa. Sana rin ay mabigyan ng karampatang atensiyon at aksiyon ang lalong lumalala na trapiko sa ating bansa. Nakaaapekto kasi ito sa pagiging produktibo ng mga mamamayan. Kasabay ng pagsugpo sa prob-lema sa trapiko, nawa’y mas mapag-ibayo rin ang pag-ayos sa mga sakayang pampubliko nang maiwasan na ang nangyaring pag­hinto ng operasyon ng MRT kamakailan lamang. Napakalaking abala ang naidulot nito sa mga komyuter. Napakaraming nahirapang makasakay at nagmistulang tambay sa gilid ng EDSA sa pag-aabang ng masasakyan. Sana ay mabigyang pansin ito ng gobyerno para sa ikabubuti ng mga kom­yuter. Sana rin ay magsimula nang umusad ang mga proyektong ­maaaring maging kapaki-pakinabang sa ating mga kababayan lalo na sa mga kapuspalad. Napakagandang balita na naisa-batas na ang Universal Health Care Law. Tiyak na marami itong matutulungang mga Filipino lalo na yaong mga walang pinansiyal na kapasidad upang magpagamot at makabili ng gamot.

Napakaraming kai­langang trabahuhin upang makamit natin ang kaunlaran. Bukod sa pagdarasal, higit na kailangan ay ang pagsusumikap ng go-byerno at pakikiisa ng samba­yanang Filipino. Nawa’y gaya ng kuwento ng Panginoon na matapos namahinga ay muling nabuhay, tayo rin bilang bayan ay makabangon mula sa napakaraming suliraning ating kinakaharap sa kasalukuyan. Responsibilidad ng pamahalaan ang pamunuan tayo at hanapan at bigyan ng agarang solusyon ang mga suliranin ng ating bayan. Tayo naman ay may res­ponsibilidad na maging mabuting mga mamamayan. Walang masama sa pagiging mapanuri ngunit kung wala naman tayong maibibigay na alternatibong solusyon, marahil mas makabubuti para sa lahat at para rin sa ating bayan kung susuportahan na lang natin ang mga proyekto at inisyatiba ng ating pamahalaan.

Comments are closed.