PAGPAPALIWANAGIN ng Senado ang security cluster ng administrasyon hinggil sa panukalang palawigin pa ang umiiral na martial law sa Mindanao.
Ito ay matapos ihayag ni Armed Forces of the Phiilippines (AFP) Chief of Staff Gen. Carlito Galvez na may pangangailangan pa ring palawigin ang batas militar dahil sa marami pa rin ang mga banta sa Mindanao tulad ng Abu Sayyaf at iba pang mga bandido.
Sa panayam ng DWIZ kay Senate President Vicente Tito Sotto III, kailangang ilatag ng Defense Department, AFP at Philippine National Police (PNP) ang sitwasyon sa Mindanao lalo’t palapit na ang isasagawang plebesito hinggil sa Bangsamoro Organic Law at 2019 midterm elections.
“Kumbinsihin ni’yo kami, ‘di ba? Bakit? Ano’ng mga dahilan? Ano’ng mga detalye nito? Ano’ng mga pangangailangang gawin? Ngayon kung sinasabing may mga games, ano ‘yung mga games? Madali naman kaming kausap, e di ba? Sabihin nila sa amin kung bakit. Kailangan magkaroon ng briefing ‘yan bago kami sumang-ayon. Ngayon, ang clincher d’yan ‘yung House of Representatives kasi beynte tres (23) lang ang boto namin, e. Kung walang mahahalagang dahilan, puwedeng hindi mabigay ‘yan. Pero kung magaganda ang makikitang eksplenasyon at saka talagang tunay na kailangan ay papayag ang Kongreso malamang.”
Suportado naman ito ni Senador JV Ejercito, dahil sa may mga naitulong naman ito sa estado ng buhay ng mga taga-Mindanao.
“Madalas ako sa Mindanao, ang mga tao d’on ay kuntento sa martial law, dahil dati na ang mga private armed groups, ‘yung mga loose firearms, kahit papaano hindi makakilos ngayon ang mga private armed groups or private armies saka ‘yung mga loose firearms ay medyo nababawasan.”
Pero sa panig ni Senador Antonio Trillanes IV, mali ang palawigin pa ang martial law sa Mindanao dahil patuloy aniya nitong pahihirapan ang ekonomiya sa rehiyon.
Samantala, sinagot naman ni Senador Francis Escudero ang pahayag ni AFP Chief of Staff Gen. Carlito Galvez Jr. na mahina ang anti-terrorism law ng bansa.
Sa panayam ng DWIZ kay Escudero, sinabi nito na hindi batayan o sukatan kung may pangil o wala ang anti- terrorism law sa bansa para patagalin pa ang pag-iral ng martial law.
Pero bukas naman ang senador na pakinggan ang mga stakeholder lalo na ang mga sibilyan kung ta-tanggapin pa rin nila o hindi na ang nasabing panukala. JAYMARK DAGALA-DWIZ882