IBINUNYAG ni Senador Nancy Binay nitong Miyerkoles na humingi ng tawad ang mga senador kay dating Senate president Juan Miguel Zubiri matapos siyang patalsikin sa Senate Presidency.
Naniniwala si Binay na walang ginawang masama si Zubiri kaya nanatili siya sa panig nito.
“Unang-una wala akong nakitang mali sa pamumuno ni Senator Migz Zubiri,” ani Binay.
“Kung may nagawang mali si Senator Migz sa kanila, eh bakit sila ang humihingi ng dispensa. ‘Yun din ‘yung tanong namin, ano ba ‘yung maling ginawa ni Senator Migz Zubiri para tanggalin siya,” dagdag pa niya.
“Nakakapagtaka kasi lahat sila humihingi ng tawad, nagpapaliwanag. Bakit nila kailangang magpaliwanag kung sa tingin nila ay may pagkakamali at pagkukulang si Senator Migz sa kanila.”
Sinabi ng mambabatas na ang mga senador ay naimbitahan para sa hapunan sa Malacañang, gayunpaman, tanging sina Sen. Win Gatchalian at ex-Senate pro tempore Loren Legarda mula sa kanilang grupo ang dumalo, idinagdag na siya rin at Zubiri ay hindi dumalo.
Sinuportahan nina Sen. Sonny Angara, JV Ejercito, Joel Villanueva, Binay, Gatchalian at Legarda ang dating SP. LIZA SORIANO