UMABOT na sa Senado ang sentimyento ng mga konsyumer ng koryente sa mga probinsya at lalawigan kung saan umaabot sa humigit kumulang P20 kada kilowatthour (kWh) ang presyong binabayaran ng mga ito. Mariing tinuligsa ng Senado ang umano’y napakamahal na presyo ng koryente sa mga ibang lalawigan matapos nilang malaman na halos kalahati lang ang binabayaran ng mga konsyumer sa Meralco.
Sa ginanap na pagdinig sa Senate Energy Committee, binigyang diin ni Senate President Juan Miguel Zubiri na lubhang mataas ang presyo ng koryente sa Cagayan de Oro. Nakatanggap umano siya ng napakaraming reklamo mula sa mga negosyo sa probinsya ukol sa kasalukuyan presyo ng koryente na nasa P14 kada kWh. Sa kanyang pagtantya, nasa humigit kumulang 34% na ang itinaas ng presyo sa probinsya mula simula ng taong 2022.
Minabuti ni Senate President Zubiri na pag-aralan ang sitwasyon kaya’t nagtanong tanong siya sa iba pang electric cooperative at nagulumihanan siya nang malaman na nasa P16 hanggang P18 kada kWh ang presyo ng koryente sa ibang bahagi ng Mindanao samantalang nasa P9 kada kWh lamang ang presyo ng koryente sa Metro Manila.
Sa kanyang talumpati ay ipinahayag din ng senador ang kanyang pagkainggit sa kapwa nito senador na si Sen. JV Ejercito dahil sa mas mababa ang binabayarang presyo ng koryente nito. Aniya, pareho silang may negosyo na industrial ice ngunit mas malaki tiyak ang kinikita ni Senator Ejercito kumpara sa kanya dahil sa presyo ng koryente.
Ipinahayag ni Senate President Zubiri ang pag-aalala at pangamba nito para sa mga konsyumer na nasa kanayunan sa Mindanao dahil lubhang masakit sa bulsa ang presyo ng koryenteng binabayaran ng mga ito. Paano aniya aasenso ang mga ito kung malaking bahagi ng kanilang kinikita ay mapupunta lamang sa pambayad sa koryente.
Pinuna rin ni Energy Committee Chairman Raffy Tulfo na napakaraming reklamo tungkol sa serbisyo ng mga kooperatiba ang kaniyang natatanggap sa kanyang programa sa radyo tungkol sa talamak na brownout sa probinsya. Madalas na nga mawalan ng koryente, dumadagdag pa sa pasakit ng mga konsyumer ang mataas na presyo ng koryenteng binabayaran ng mga ito.
Nagpahayag din ng pagkadismaya si Senator Tulfo ukol sa uri ng serbisyong natatanggap ng mga konsyumer mula sa mga electric cooperative. Batay sa mga reklamong natatanggap nito, isa sa mga karaniwang reklamo ang mabilis daw na pamumutol ng serbisyo ng koryente sakaling hindi makabayad sa tamang oras ang konsyumer.
Bago magtapos ang pagdinig, inudyukan ni Senator Tulfo si Department of Energy (DOE) Secretary Raphael “Popo” P. M. Lotilla na gawan ng paraan ang problemang ito sa kalidad ng serbisyo ng mga electric cooperative sa bansa.
Nakakabuhay ng kalooban malaman na tinututukan ng Senado ang suliraning ito dahil isa itong malaking hadlang sa pangkalahatang pag-unlad ng bansa. Biruin n’yo, nasa iisang bansa naman tayo ngunit tila maraming mga probinsya sa bansa ang para bang nasa panahon pa rin ng 90s kung saan mahal ang presyo ng koryente at talamak ang matagalang brownout. Nawa’y mabigyang solusyon agad ito para sa kapakanan ng mga konsyumer.