(Mga sentenaryo may P1 milyon insentibo) PDU30 MAKA-‘BUHAY’ AT KONSERBATIBO PA RIN – CONG. ATIENZA

Lito Atienza

MAKATI CITY – MAY rebelasyon si Buhay Partylist Representative Lito Atienza at ito ay kaugnay sa pananaw o posisyon sa usapin ng death penalty, simbahan  at ng kapakanan ng mga mag-asawa at matatanda ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Si Atienza ang na­ging resource person sa BusinessMirror Coffee Club na itinataguyod ng ALC Media Group kahapon.

Ang pulong balitaan ay pinangunahan nina ALC Group of Companies Chairman D. Edgard A. Cabangon at Lourdes “Chuchay” Fernandez, editor-in-chief ng BusinessMirror.

Naniniwala si Atienza na bagaman bukambibig ng Pangulo ang pagpatay, para sa kanya ay mahalaga ang buhay at sumunod pa rin sa aral ng simbahan.

Napatunayan ito nang tumanggi ang Pangulo na lagdaan ang mga batas na nakapasa sa kongreso.

Ang mga batas aniyang ito ay kanyang kinontra gaya na lamang ng death penalty, same sex marriage at divorce.

Pahayag pa ng da­ting alkalde, inakala ng publiko na sang-ayon ang Pangulo sa pagpatay nang kanyang ipag-utos ang drug war ngunit nang tanggihan nito ang death penalty ay luminaw na isang pro-life ang Pangulo.

Maging ang divorce law ay tinanggihan ng pangulo at ang pinakahuli ay ang same sex marriage.

Mataas din aniya ang lebel ng paniniwala sa simbahan bagaman hayagan ang batikos ng Pangulo sa orga­nisasyon.

P1 MILYON INSENTIBO SA SENTENARYO

Samantala, patuloy na isinusulong ni Atienza ang pag-amyenda sa Section 2 ng Republic Act 10868 na kilala bilang An Act Honoring and Granting Additional Benefits and Privileges to Filipino Centenarians.

Sa ilalim ng resolusyon ng mambabatas, P1 milyon ang ibibigay na insentibo sa indibiduwal na sasapit sa edad 100 at may dag-dag pa ito kada taon.

Layunin nito na ma­ging maingat sa kalusugan ang Pinoy at pagkalinga ng mga anak sa kanilang mga magulang.

Ang resolusyon ng dating Manila mayor ay sumasalamin sa kanyang kinakatawang partylist na pagmamahal sa buhay at pamilya. EUNICE C.

Comments are closed.