HINDI na naman naitago ni House Appropriations Chairperson Rep. Karlo “Ang Probinsiyano” Nograles ang pagkadismaya nang matuklasan sa gitna ng pagtalakay sa 2019 budget ng Department of Energy na ang budget ng National Electrification o NEA ay tinapyasan ng P635 milyon mula sa kasalukuyang P1.8 bilyon kaya inungkat nito kay Energy Secretary Cusi kung bakit P1.135 bilyon na lamang ang nakalaan sa ahensiya para sa 2019.
“Mula sa impormasyong aking nakalap, nasa 1.4 milyong piso ang kinakailangan upang mapailawan ang isang sitio. Kung tama ang nasabing impormasyon, ang pagtapyas ng 635 milyong piso sa budget ng NEA ay nangangahulugang 450 sitio ang mapapagkaitan ng serbisyo ng koryente sa susunod na taon,” ayon kay Nograles.
“Nakakagambala, nakakabagabag sa kalooban dahil sa tingin ko ‘power delayed is progress denied’. Kahit ang Kalihim ng Enerhiya ay nagsabi na ang koryente ay nakakapaglikha ng yaman at nakapagbibigay sa tao ng kapangyarihan na lumikha ng yaman. Paano mabibigyan ang mga kababayan natin sa probinsya ng pagkakataon na bumangon sa kahirapan kung wala silang koryente?”
Ibinunyag din ni Nograles na makikita sa datos ng NEA na nasa 19,740 sitio o 2.4 milyong kabahayan pa sa buong bansa ang hindi naaabot ng serbisyo ng koryente.
“Karamihan sa mga tahanang ito ay nasa kanayunan, nasa ating mga lalawigan. Ang bulto ng malungkot na numerong ito ay nasa Mindanao, ang aking pinagmulan, kung saan nandoon ang pinakamaraming sitio na hindi pa napapailawan – 8,535 lahat. Lugi na naman ang mga malayo sa Kamaynilaan, sila na naman ang maiiwan,” mariing daing ng mambabatas mula Davao.
Ayon kay Nograles, ito mismo ang sitwasyong hangad tugunan ni Pangulong Rodrigo Duterte nang atasan nito ang DOE na tiyaking ganap na mapailawan ang buong bansa sa pagtatapos ng kanyang termino sa 2022.
“Bilang unang Punong Ehekutibo mula Mindanao, batid mismo ng Pangulo kung ilan sa kanyang mga kapwa-probinsiyano ang salat sa pinakapayak na pangangailangan gaya ng pailaw o koryente. Ito ang dahilan kung bakit wala nang mas lilinaw pa sa kanyang kautusan tungkol sa bagay na ito,” giit pa ni Nograles.
“Sana ang DOE at ang NEA ay makahanap ng paraan upang ito ay maisakatuparan at kanilang maipaalam sa amin kung magkano ang kinakailangang pondo para sa 2019 at sa mga susunod pang taon. Sa pamamagitan nito, mahahanapan natin ng paraan na bigyan ng pagkakataong umahon sa dilim ng kahirapan ang ating mga kapwa- probinsiyano na noon pa napapagkaitan.”
Comments are closed.