MGA STAKEHOLDER POSITIBO ANG TUGON SA UNANG LGU FORUM NG PCUP

IDINIIN  ni Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) chairperson and chief-executive-officer Undersecretary Elpidio Jordan Jr. na sa pagtugon sa usapin ng maralitang tagalungsod ay kakailanganin ang partisipasyon ng lahat ng mga stakeholder, partikular na ang mga local government unit (LGU) at pribadong sektor.

Sa kauna-unahang LGU Forum ng PCUP na ginanap sa Luxent Hotel sa Diliman, Quezon City, hinimok ng PCUP chief-executive-officer ang mga kinatawan ng iba’t ibang mga local government unit sa National Capital Region (NCR) at piling lungsod at munisipalidad na makiisa sa PCUP sa mandato nitong pangalagaan ang mga karapatan ng ating mahihirap na mamamayan.

Pinaalalahanan din sila ni Usec. Jordan na isa sa pangunahing adhikain ng administrasyong Marcos ay nakatuon sa poverty alleviation at maging ang pangangalaga sa mahihirap laban sa pang-aabuso at eksploytasyon, na kadalasang nangyayari sa pagsasagawa ng demolisyon at ebiksyon.

Nagbalik-tanaw si Usec. Jordan sa mga kabatiran o insight mula sa katatapos lang na Conference on Just and Humane Demolition and Eviction na nagpakitang kakailanganing nakatalima ang mga stakeholders sa mga polisiya na nagpoprotekta sa mahihirap nating kababayan at gayun din ang mandatory assistance na dapat ibigay sa mga maralita.

Bukod dito, prinisinta rin sa forum ni Usec. Jordan ang apat na banner program na ipapatupad niya sa susunod na taon para suportahan ang mga anti-poverty at pro-poor na inisyatibo ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Binalangkas ng PCUP chief-executive-officer ang apat na programa na kinabibilangan ng housing facilitation and linking initiative na tinaguriang ‘Piso Ko, Bahay Mo’, resource mobilization o Lingkod Agapay Maralita (LAM) program, urban poor data generation at collaboration and partnership sa ilalim ng Goodwill Ambassadors Program (GAP).

Nilinaw ni Usec. Jordan na ang ‘Piso Ko, Bahay Mo’ para sa mga urban poor family (UPF) na walang tahanan, partikular na yaong apektado ng mga court-ordered demolition at eviction, ay magpapalawig sa partisipasyon ng pribadong sektor sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga lote na kung saan makakapag patayo ng mga pabahay para sa mga UPF.

Sa kabilang dako, layunin naman ng Lingkod Agapay Maralita, o LAM, na matugunan ang mga pangangailangan ng mga UPF sa pamamagitan ng pagpapaigting ng savings mobilization, na isasagawa sa pakikipag tambalan sa pribadong sektor.

Ayon naman sa urban poor data generation, isusulong ng PCUP ang partnership sa mga local government unit (LGU) upang makapagtatag ng mga satellite offices sa mga lungsod at munisipalidad sa NCR, Luzon, Visayas at Mindanao.

Sa huli, itataguyod naman ng collaboration and partnership ang panawagan para sa pagkakaroon ng mga goodwill ambassador na mula sa business sector, academe, mga non-government organization (NGO) at iba pa, na siyang mag susulong ng PCUP mga programa at serbisyo nito para sa mga maralitang tagalungsod.