MGA SUGATANG KAWAL BINISITA NI DUTERTE

duterte

BINISITA ni Pangulong Rodrigo Duterte sa  Jolo, Sulu  ang  mga  nasugatang sundalo na nakipagbakbakan sa  mga  bandidong  Abu Sayyaf .

Kasama ng Pangulo si Defense Secretary Delfin Lorenzana nang gawaran ang 11  sugatang sundalo ng Order of Lapu-Lapu na  may ranggong Kampilan sa Camp General Teodulfo Bautista  sa Sulu noong  Martes  ng  hapon.

Ang  Order of Lapu- Lapu ay ibinibigay sa  mga  indibidwal, sibilyan man o nasa  gobyerno na nagpakita  ng hindi matawarang serbisyo o kontribusyon sa ikatatagumpay  ng  adbokasiya  ng Presidente.

Ang  Ranggong  Kam­pilan ay ibinibigay sa  mga  indibidwal na  nasugatan o nagkaroon ng  matinding  pinsala  resulta  ng  isang  aksiyon.

Ang  mga  pinarangalang sundalo ay  nakasagupa  ng  mga  bandidong  Abu Sayyaf  noong  May 31 sa  Barangay Pansul, Patikul, Sulu.

Samantala Gold Cross  Medal naman ang  iginawad sa pitong  opisyal na sina Lt.Col. Abdulmoel  Alamaia, Lt.Col. Ronaldo Amteo, Ist Lt. Romel Pacer, 1st Lt. Geronimo Vergara, Cpl. Ariel Sanchez, Cpl. Engelbert Tanian at Cpl. Reylan Busmeon.

Sa kanyang  talumpati, tiniyak ni Pangulong Duterte sa  mga  sundalo ang kanyang patuloy na suporta sa kanilang hanay at makakaasa na kaisa siya sa mga hinaharap na laban para sa pagtatanggol sa kapayapaan at  kaayusan ng kanilang lugar.

Sinabi rin ng Pangulo na matatanggap na rin ng mga sundalo ang kanilang hazard pay ng mga nagdaang buwan. EVELYN QUIROZ

Comments are closed.