BINALAAN ng pamunuan ng Philippine Army ang kanilang mga tauhan sa fields dahil sa nakakagawiang paggamit ng booby traps ng mga teroristang grupo matapos na may dalawang sundalo ang nasabugan sa magkahiwalay na lugar sa lalawigan ng Maguindanao.
Sa ulat na nakarating sa Army General Headquarters sa Fort Bonifacio sa Taguig Metro Manila may dalawang sundalo ang nasugatan sa magkasunod na pagsabog sa nasabing lalawigan.
Kinilala ang mga biktima na sina Cpl Alexander Flauta nakatalaga sa 90th Infantry Battalion Philippine Army.
Nasa pagamutan din ngayon si Cpl Rex Sayada ng 57th Infantry Battalion Philippine Army.
Ayon sa ulat ng 601st Brigade ng 6th Infantry (Kampilan) Division, unang nasabugan si Cpl Flauta nang masagi nito ang booby trap sa Brgy Dasawao, Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao.
Makalipas ang ilang oras ay nasabugan rin ng booby trap si Sayada sa Brgy Dasawao.
Ang mga sugatan ay kapwa dinala sa Camp Siongco Hospital sa 6th ID Phil. Army.
Nabatid na kasalukuyang nagsasagawa ng combat clearing operation laban sa BIFF ang mga tauhan ng 90th IB at 57th IB nang masabugan ng bomba.
Sa ngayon ay pinaigting pa ng militar ang pagtugis sa mga teroristang BIFF sa Maguindanao. VERLIN RUIZ
Comments are closed.