15K PULIS NAKABAKOD SA METRO PARA SA SONA SECURITY

PULIS

QUEZON CITY – “IT’S all system go.  Ito ang parehong pahayag ng  Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) para sa ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw.

Habang una nang ini­hayag ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director, Maj. Gen. Guillermo Eleazar na nasa 15,000 pulis ang ide-deploy para iposte sa paligid ng Batasan Hills sa Quezon City at sa Mendiola sa Maynila.

Una rito, iniutos ni AFP chief of Staff Gen. Benjamin Madrigal Jr. na itaas sa full alert status ang buong puwersa ng AFP partikular ang AFP-Joint Task Force –NCR.

Ayon kay AFP JTF-NCR commander  BGen. Cristobal Zaragoza, all -set na ang Joint Task Force NCR para magbigay suporta sa Presidential Security Group (PSG) at PNP kaugnay sa SONA ng Pangulo.

Inihayag naman ni JTF NCR Spokesperson 1Lt. Arriane Bichara, may mga tropa silang inilaan na direktang tutulong at susuporta sa mga pulis mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) at sa iba pang law enforcement agencies.

Bukod sa mga sundalong naka-deploy sa strategic areas bukod pa sa paligid ng Batasan ay may standby force ring inilaan ang JTF na hinugot mula sa tatlong major services ng AFP para sa rapid deployment o civil disturbance ma­n­agement.

Sinabi ni Bichara, kanilang na-monitor na magsasagawa ng kilos protesta ang mga militanteng grupo, subalit  tiniyak ng JTF NCR na gagawin nila ang lahat para maprotektahan ang sambayanan at ang estado.

Magugunitang posib­leng umabot din sa 15,000 ang mga raliyista. VERLIN RUIZ