NAGSILBING military host ang Philippine Army bilang bahagi sa dalawang araw na official state visit ni Korean President Yoon Suk Yeol na nagbigay pugay sa mga Filipino at South Korean veterans wreath-laying ceremony sa Korean War Memorial Pylon, sa Libingan ng mga Bayani, Fort Bonifacio, Taguig City kamakalawa ng hapon.
Binigyang pagkilala ni Korean President Yoon Suk Yeol ang mahalagang papel ng mga beteranong Pilipino at South Korean noong panahon ng Korean war.
Bahagi ng state visit ni President Yoon sa bansa ang pag-aalay ng bulaklak sa Korean War Memorial Pylon sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City kung saan nagsisilbing military host si Army commanding general Lt. Gen Roy Galido.
Ayon kay Philippine Army Spokesperson Col. Louie Dema-ala, kinilala sa seremonya ang katapangan at sakripisyo ng mga miyembro ng Philippine Expeditionary Force to Korea na nakipaglaban kasama ang mga sundalong Koreano laban sa pwersa ng North Korea at Chinese People’s Volunteer Army noong Korean war.
Ayon kay Galido kinilala rin ng pamunuan ng PA ang kahalagahan ng pagbibigay-pugay sa mga beteranong nagpakita ng kanilang tibay at tapang noon panahon ng giyera.
Nasa Pilipinas si President Yoon para sa kanyang dalawang araw na state visit, kasabay ng ika-75 anibersaryo ng pagkakatatag ng diplomatic ties sa pagitan ng Pilipinas at South Korea noong March 1949.
VERLIN RUIZ