MGA SUSPEK SA MINASAKER NA PAMILYA TINUTUGIS

CAGAYAN DE ORO CITY – PATULOY ang sinasagawang pagtugis ng pulisya laban sa ilang person of interest na umano’y sangkot pagpaslang sa mag-asawa kabilang ang dalawa anak nito na menor de edad at isang tiyahin sa Sitio Sumpong,Brgy Indahag sa lalawigang ito.

Sa resulta ng isinagawang imbestigasyon ng pulisya, nabatid na may naganap na foul play sa pagkamatay ng mga biktimang sina Melgene at Manilyn Galpo kung saan natuklasan na mayroong malaking pinsala ang mga ulo nito na parang pinalo ng matigas na bagay para mawalan ng lakas.

Ayon naman sa pahayag ni Police Regional Office 10 spokesperson Maj. Joann Navarro na hindi pa kontento ang mga salarin kung saan pinatay rin nila ang 4 at 7 anyos na anak ng mag-asawa at tiyahin na si Maggie Epanes.

Natuklasan sa imbestigasyon na pinatay muna ng mga suspek ang mga biktima bago sinunog ang bahay ng mga ito.

Kaugnay nito, agad namang ipinag-utos ni City Mayor Rolando ‘Klarex’ Uy sa pulisya na huwag titigil sa pagtugis sa mga tumakas na suspek hanggang sa mahuli ang mga ito at panagutan ang karumal-dumal na ginawa sa mga biktima.

Samantala binuo rin ng Bureau of Fire Protection-Cagayan de Oro ang task force para sa mabilisang pagresolba sa naturang insidente na naganap nakaraang gabi.
EVELYN GARCIA