INATASAN ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang pulisya pati na rin ang lahat ng opisyal sa barangay sa buong lungsod na higpitan ang pag-iimplementa ng ordinansa sa lungsod na inaprubahan ng City Council noong Abril 18 tungkol sa pagsusuot ng face mask upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).
Sinabi ni Calixto-Rubiano na kanyang inutusan si Pasay police chief P/Colonel Ericson Dilag na magtalaga ng karagdagang pulis sa kalsada pati na rin ang mga opisyales ng mga barangay na magsagawa ng panghuhuli ng mga pasaway o hindi nakasuot ng face mask na pumoprotekta sa isang indibiduwal laban sa COVID-19.
Ayon sa alkalde, nakasaad sa naturang ordinansa na pinirmahan ng mga konsehal noong Abril, ang mga mahuhuling hindi nakasuot ng face mask ay bibigyan ng warning sa unang pagkakataon, ngunit kapag nahuli muli ang indibiduwal na ito ay pagbabayarin na siya ng halagang P3,000 dahil sa kanyang ikalawang opensa sa paglabag ng naturang ordinansa at kapag nahuli uli ito sa ikatlong pagkakataon ay papatawan na ito ng multang P5,000.
Kung sakali naman na ang mga mahuhuling lalabag sa naturang ordinansa ay isang menor, ang mga magulang ng batang lumabag ang sasa-got sa ipapataw na multa ng kanilang anak. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.