MGA TANGGAPAN IINSPEKSYONIN NG DOLE

DOLE

MAYNILA – UPANG matiyak ang patuloy na pangangalaga sa karapatan at kapakanan ng mga Filipinong manggagawa, muli ng tututukan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang labor laws compliance inspection sa mga pri­badong establisimiyento sa buong bansa.

Sa inilabas na Administrative Order No. 27, Series of 2020, nag-isyu si Labor Secretary Silvestre Bello III ng general authority para sa lahat ng Regional Offices upang maipagpatuloy ang pagsasagawa ng mga routine inspection sa lugar na kanilang nasasakupan.

Ang bansa ay mayroong higit sa 900,000 pribadong business establishment na dumaraan sa regular na labor inspection.

Ang mga labor laws compliance officers (LLCOs) na siyang nagsasagawa ng mga inspeksyon ay dapat na matiyak ang pagsunod ng mga pribadong kumpanya sa general labor standards, tulad ng tamang pagbabayad ng sahod tuwing holiday, maging para sa overtime pay, implementasyon ng minimum wage law, remittance ng mga social benefit sa kanilang mga manggagawa at iba pa.

Kabilang rin sa inspeksyon ang pagsunod ng mga kumpanya sa health at safety standards.

Sinabi ng DOLE na noong Setyembre 2019, nakapag-inspeksyon na ito sa kabuuang 57,514 establisimyento na sumasaklaw sa 2.3 mil­yong manggagawa.

Karamihan aniya sa mga establisimiyentong dumaan sa inspeksyon ay nasa kategorya ng negosyong wholesale at retail, accommodation, at food service, at administrative support at iba pang serbisyo.

Noong  Disyembre 2019, pansamantalang sinuspinde ng DOLE ang pagsasagawa ng mga aktibidad sa inspeksyon upang magkaroon ng panahon ang departamento upang maisaayos ang lahat ng mga pending na kaso ng labor standards at makapaghanda para sa mga programa ng inspeksyon para sa 2020. PAUL ROLDAN

Comments are closed.