UMAARAY na ang mga tindera at mga mamimili sa dumobleng presyo ng galunggong at iba pang isda sa ilang pangunahing palengke sa Metro Manila.
Ayon kay Senador Imee Marcos, chairperson ng Senate committee on Economic Affairs, mas mahal pa ang presyo ng GG sa karneng manok at baboy sa pamilihan kaya dapat itong solusyunan agad ng pamahalaan.
Sa monitoring ng opisina ni Marcos, humataw na sa P360 per kilo ang presyo ng GG sa Mega Q mart na ang dating presyo ay naglalaro lamang sa P150 hanggang 160.
Sa Pasig city market, pumalo naman sa P240 ang kilo ng GG mula sa dating P120 hanggang P140 per kilo.
Sa Muñoz public market, ang presyo ng GG ay nasa P260 hanggang P280.
Hindi rin nalalayo ang presyo ng GG sa mga supermarket gaya ng Robinson’s na pumalo na sa P350 hanggang P360 ang kilo.
Bukod sa galunggong, nagtaasan din ang presyo ng iba pang mga isda sa iba’t ibang palengke sa Metro Manila gaya ng tilapia na ngayon ay nasa P120 hanggang P130 mula sa dating P90 hanggang P100 at bangus na dating P130 ang kilo ay nasa halos P200 na.
“Ang sosyal na talaga ng GG ngayon dahil sa sobrang mahal. Hindi na siya poor man’s fish. Mas mahal pa ang GG sa presyo ng manok, baboy at baka. Hindi naman siguro dapat nakanganga na lang tayo sa presyuhang ito. Gawan sana ito ng paraan ng gobyerno,” ayon kay Marcos.
Sinasabing tumaas ang presyo ng mga isda dahil sa African Swine Fever scare.
Pinuri naman ni Marcos ang agarang pag-apruba ni Agriculture Secretary William Dar na umangkat ng 45,000 metric tons ng GG at mackerel para mapunan ang kakulangan ng suplay nito sa bansa. VICKY CERVALES