MGA TIPS SA PAGBIBIYAHE

PARA sa mga biyahero o pasaherong sumasakay sa eroplano, lalo na ang mga international traveler, kapansin-pansin ang mga aberya ngayon sa mga paliparan dahil sa kakulangan ng tauhan o empleyado sa naturang mga lugar.

Maraming flights ang nakakansel o nade-delay, mga bagaheng nawawala, at marami pang uri ng gusot sa pagbibiyahe.

Payo ng mga eksperto, agahan ang dating sa mga paliparan upang magkaroon ng panahong ayusin ang mga problema kung mayroon man.

Bukod pa rito, makatutulong din umano kung kukuha ng maaga o unang flight, upang maiwasan ang delay. At bilang panghuling payo, iwasang mag-check in ng bagahe. Hanggang maaari, pagkasyahin na lamang sa handcarry ang mga dalahin upang maiwasan na rin ang pagkawala ng mga checked-in baggages.

Nang malugi ang mga airline company dahil sa pagkahinto ng mga biyahe noong mag-lockdown, maraming empleyado ang umalis. Hindi pa umano napapalitan ang mga ito at kulang na rin ang mga manggagawang nagiging interesadong pumasok sa industriya dahil na rin sa hindi pa nakikitaan ng katatagan ang naturang sektor.

Bukod dito, dagsa rin ang mga bumibiyahe dahil sa mga naudlot na bakasyon at appointment bunsod ng pandemya. Revenge travel ang tawag ng ilan dito—ang sabay-sabay at sunod-sunod na pagbiyahe ng publiko upang samantalahin ang pagluluwag sa pagkilos. Isa ito sa mga dahilan kung bakit hindi matugunan ng mga paliparan at airline ang ilang sa mga pangangailangan ng ilang pasahero.

Upang maiwasan ang masangkot sa mga aberyang ito, paghandaang mabuti ang biyahe at isaalang-alang ang payo ng mga eksperto para sa maginhawang paglalakbay.