NAGBABALA si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na pananagutin at sasampahan ng kaukulang kaso ang mga barangay chairman sa Maynila na mapatutunayang nasasangkot sa mga katiwalian, iregularidad at hindi ta-mang paggamit ng kanilang pondo.
Ginawa ng alkalde ang pahayag sa ginanap na “Meet the Press” forum ng National Press Club kahapon kung saan isiniwalat nito na may apat umanong mga Chairman ang kanilang iniimbestigahan makaraang ireklamo ito sa kanilang ginagawang katiwalian.
“May mga natanggap kaming reklamo sa ibang mga Chairman na nagpapa-bidding, tapos kapag may nanalo na sa bidding ang gagawin nila, kasabwat ang kontraktor, kukunin nila ang budget tapos silang mga tiwaling chairman ang bibili ng proyekto.” pali-wanag ni Domagoso.
Ilan pa sa mga reklamong nakarating sa alkalde ay ginagawang gatasan ng mga tiwaling Chairman ang “declogging project” kung saan malaking parte ng budget nito ay napupunta lamang sa bulsa ng ganid na kabesa.
Tiniyak naman ni Domagoso na hindi niya kukunsintihin ang mga maling gawain ng mga Chairman, sa halip ay pangungunahan pa nito ang pagsasampa ng kaso sa mga ito sakaling mapatunayan na sangkot sa katiwalian at anomalya hinggil sa maling paggamit ng kanilang pondo na para sana sa taumbayan.
“May mga natatanggap pa nga kami ng rekamo na ‘yung ibang tiwaling chairman ay ginagawang pansarili na ang kanilang mga natatanggap na pera na dapat sana ay sa proyekto at programa sa kanilang barangay.” dagdag pa ni Domagoso. PAUL ROLDAN
Comments are closed.