MGA TRANSLATOR NANAWAGAN NA I-PROFESSIONALIZE ANG KANILANG HANAY

NANAWAGAN  ang mga eksperto sa translation na “i-professionalize” ang hanay ng mga “translator” o ang mga tinaguriang tagasalin ng mga lengguwahe upang maiangat ang propesyong ito.

Ito ang mga nagkakaisang panawagan sa tatlong araw na conference sa Unibersidad ng Santo Tomas (UST) na may titulong “Mga Dalumat At Realidad sa Pagsasalin” na pinangunahan ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF).

Ipinaliwanag ni John Enrico Torralba, Chief ng Language Research Translation Division ng KWF, na ang naturang komperensya ay isinasagawa upang mapag -usapan ang mga nararapat na hakbang na makamit ang hinahangad ng “translators” na maituring na professionals.

“I think ‘yan ang kailangang ma-resolve. ‘Yung kailangang ma-address. Marami pang iba. Pero sa palagay ko magkakasama na sa mga consultation forum. Kailangang mag organize ng mga grupo na hihiling para magkaroon ng licensure exams sa mga translators,” sabi ni Torralba.

Mahalaga umano para sa mga nasa ganitong trabaho ang ganitong hakbang na magkaroon ng lisensya at maituring din na propesyunal, at maproteksyonan din ang kanilang kapakanan lalo na at ang mga ito ay matatagpuan sa iba’t ibang larangan at iba ibang industriya sa bansa tulad ng akademya, sa mga ahensiya, sa mga publishing, sa gobyerno, at iba pa.

Bagamat maaari aniyang ang mga translators ay maaaring magmula sa iba ibang kurso subalit naging dalubhasa lamang sa ganitong propesyon dahil sa karanasan. Ibinigay niyang halimbawa ng mga nasa ganitong propesyon ay ang mga translators sa kanilang ahensiya kung saan kabilang ang mga ito sa tumutulong upang bumuo ng mga diksyunaryo at glossaries, sa mga pagsasalin at paglikha ng mga legal o scientific terms na pag nailimbag ay mailathala para magamit ng publiko.

“Ang conference na ito ay nakatuon sa continual development ng skills. Ang UP at UST ay nag-o-offer na ng degree sa translation,” ang sabi ni Torralba.

Pinangunahan ng KWF ang naturang pagtitipon ng mga baguhan at mga propesyonal na tagasalin upang talakayin ang industriya ng pagsasalin sa bansa sa tulong ng UST. Kabilang sa mga aktibidad ng naturang komperensya ay ang pagbabahaginan ng mga bagong idea sa pagsasalin, pagtatalakay ng mga suliraning kinakaharap ng mga tagasalin.

Layunin din na matukoy ang mga bagong trend sa pagsasalin, makipag-ugnayan sa iba pang mga tagasalin. Tampok ang mga paksang ihaharap sa mga panayam, talakayan sa panel, breakout session, at oportunidad sa networking, at pagtalakay ng mga hakbang sa posibleng paraan upang maisakatuparan ang hinihiling na propesyanilismo ng mga naturang translators. MA. LUISA
M. GARCIA