MAS pinaigting pa ang kampanya laban sa iligal na droga sa Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela (Camanava) matapos iutos ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos Jr. ang paglalatag ng programang Revitalized Pulis sa Barangay (RPSB) sa nasabing mga lugar.
Ang programa na kaakibat ng Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA) na flagship program ng pamahalaan, ay ikakasa sa hindi bababa sa 25 posyento ng mga barangay sa Camanava.
“Maglalagay tayo ng pulis sa mga barangay na kinakailangan. Pinalista ko at least 25% ng lahat ng mga barangay na tututukan natin,” ani Abalos kaharap ang 3,000 katao na lumahok sa Usapang BIDA sa Camanava nitong Sabado sa Caloocan City.
Idinagdag niya na sa pamamagitan ng RPSB ay mailalapit ang laban sa iligal na droga sa mga pamayanan, at mailalapit ang mga masisipag na pulis sa mga kabarangay.
Binigyang-diin din ni Abalos na hindi papayag ang pamahalaan na lumawak ang suliranin sa iligal na droga at ginagawa nila ang lahat upang sawatain ang iligal at masamang gawaing ito sa pamamagitan ng mga programang gaya ng RPSB at BIDA.
“Labanan natin ang droga at huwag kayong matakot, dahil kung matatakot tayo, walang mangyayari sa atin,” giit ni Abalos.
Kaugnay nito, 13 nagsipagtapos sa Community-Based Drug Rehabilitation Program ng Caloocan LGU at 10 estudyante mula sa University of Caloocan City ang kasabay ding ginawaran mga ng tablet, na magagamit nila sa inilatag na programa.
EVELYN GARCIA