MGA TURISTA PINAG-IINGAT SA MGA LUGAR NA NILINDOL

DAGDAG  na pag- iingat. Ito ang mahigpit na paalala ng Department of Tourism sa mga turista na may planong magtungo at mamasyal sa mga lugar na tinamaan ng malakas na pagyanig noong Miyerkoles ng umaga.

Kasunod na rin ito ng pagbubukas nitong Huwebes ng ilan sa mga lugar na pasyalan ng mga turista sa Region 1 at Cordillera Administrative Region (CAR).

Kabilang sa mga pasyalan sa Region 1 na una nang iniulat na nagkaroon ng pagkasira pero bukas na ay ang Sta. Monica Church, sa bayan ng Sarrat, lumang kumbento ng Bacarra, ang simbahan ng Virgin Milagrosa o St. John the Baptist Church sa Badoc, gayundin ang Immaculate Conception Church sa Batac.

Nananatiling bukas naman sa mga bisita ang lungsod ng Baguio, bayan ng Kabayan sa Benguet, at Mount Pulag Protected Landscape bagama’t ipinapaalala ang mga pag-iingat dahil sa panganib ng aftershocks at pag-ulan.

Kasama rin sa mga binuksan na ay mga pasyalan sa Sagada, Mountain Province.

Ang sarado lamang hanggang Huwebes sa Sagada ay ang Cave Connection, Sumaguing, Balangagan at Pongas Falls.

Beth C