MGA UNANG PUNTOS NA DAPAT ISIPIN KUNG PAPASOK SA NEGOSYO

dok benj

Tanong: Doc Benj, gusto ko pong mag-business, ano po ang dapat kong mga unang isipin o i-consider?

Sagot: Aking ipagpapalagay na maliit na business ang iyong nais pasukin at magandang maranasan mo rin muna ang small business bago ka pumasok sa malaking business. Narito ang mga unang limang puntos na dapat mong isaalang-alang:

  1. Produkto – Ano ang produkto na kailangan at gusto mong ibenta? Mag-uumpisa dapat sa kaalaman kung ano ang produktong kailangan ng tao na maaari mong maibenta. Kapag kailangan nila ay hindi ka mahihirapang ibenta. Mahalaga rin na ang produkto ay gusto mong ibenta talaga, ibig sabihin hindi ka napipilitang ialok ito at nae-enjoy mo ang pagbebenta. Ang produkto ay maaaring bagay na ititinda (goods) o serbisyo (services) na kaya mong gawin o combination ng goods at services.
  2. Production o Panggagalingan ng Produkto – Kailangan mong masiguro kung saan mo kukunin ang produkto o makukuhaang mga raw material para makagawa ka ng produkto. Ito ang tinatawag na suppliers. Dapat maikumpara mo kung saan ang mura at magandang kalidad ng produkto o raw materials na ibebenta mo. Kung serbisyo naman ang balak mo, dapat ikaw mismo ay maalam na gawin ang service. Uusad ang business mo kung maayos ang produkto o serbisyong ino-offer mo sa mga mamimili at hindi ka mapipigilan dahil sa kawalan ng paninda o raw materials dahil wala kang makitang suppliers.
  3. Location o Lugar – Saan ka magpupuwesto para maibenta ang produkto mo? Dapat alamin mo ang lugar para mas lalo mong maunawaan ang tamang goods o service na iaalok mo sa lugar. Gaya ng nabanggit, dapat magsimula sa kailangan o hinahanap na produkto ng mga tao sa lugar na pagtatayuan mo ng business mo. Maganda na sinasadyang puntahan ang tindahan mo dahil sa kailangan nila ang produkto mo at hindi ikaw ang namimilit na makabenta sa mga tao. Kailangang mag-scout sa lugar at aralin ang kaugalian, kakayahan at pangangailangan ng mga tao sa lugar. Ang lugar din ay dapat na accessible sa mga tao, pansinin ng mga mamimili o may parking kung may sasakyan ang customers.
  4. Puhunan o Capital – Dapat nakahanda ka sa mga paunang gastusin at may pondo na hanggang tatlong buwan man lang para sa paunang gastusin ng negosyo. Kailangan mo ng pera at ari-arian na ilalagak sa iyong business para sa paghahanda ng produktong ibebenta, pagsasaayos ng lugar, pasahod sa mga tao kung kailangan at mga operating expenses gaya ng rent sa lugar, promotional supplies, permits at kung ano-ano pa. Mahalagang pag-aralan ang kakayahan mo sa pag-uumpisa ng negosyo kung maliit ba o malaki at kung hanggang saan ang kaya mong isugal sa pagnenegosyo. I-analyze din sa iyong pag-compute kung maaari ba talagang mabawi ang puhunan at maaari kang kumita sa produktong ibebenta mo.
  5. Pagma-manage – Dapat maalam ka sa pag-aanalyze ng mga bagay-bagay at malaman mo kung ikaw ba ay kumikita. Marunong ka dapat makipag-usap sa mga customer at pangalagaan sila. Maglalaan ka talaga ng panahon para lubos mong maunawaan ang business mo at maaksiyunan mo kaagad kung mayroon kang mga dapat baguhin sa prosesong business mo. Aralin ang Marketing at Financial Management at ang mga paunang pagrerehistro ng iyong business na naaayon sa inyong government.



Ilan lamang ito sa mga dapat na maunawaan kung nais mong mag-business at nawa ay nakatulong itong ating payo sa pagnenegosyo. Para sa ilan pang mga katanungan, maaari  ninyo akong ikonsulta, i-email ninyo ako sa [email protected].

Comments are closed.