DODOBLE pa ang bilang ng mga Pinoy na walang trabaho sa second quarter ng taon, ayon kay National Economic Development Authority (NEDA) acting Secretary Karl Kendrick Chua
Sa virtual hearing ng House Sustainable Development Goals Committee, hiningi ni Marikina Rep. Stella Quimbo ang updated unemployment rate sa bansa ngayong may COVID-19 pandemic at aminado si Chua na lubhang nakaapekto ang pandemya sa kabuhayan at trabaho ng maraming manggagawa sa bansa.
Ayon kay Chua, nadagdagan pa ng 4.9% ang 5.3% lowest unemployment rate na naitala noong January 2020.
Sa survey ng NEDA at Department of Finance (DOF) noong unang linggo ng Abril, lumitaw na nadagdagan pa ng 2.2 milyon ang mga manggagawang nawalan ng trabaho.
Dahil dito, inaasahang dodoble ang bilang ng mga jobless sa bansa dahil sa epekto ng coronavirus disease 2019 o COVID-19.
Sinabi ni Chua na ito ang dahilan kaya pagkatapos na maipasa ang Bayanihan Law ay ipinatupad nila ang P205-B emergency subsidy para sa 18 milyong pamilya at P51-B small business wage subsidy na direkta namang mapupunta sa 3.4 milyong apektadong empleyado.
Ang resulta ng labor force survey para sa second quarter ng taon ay inaasahang lalabas bago matapos ang linggo.
Comments are closed.